OFWs binalaan vs drug trafficking

BINALAAN ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga Pinoy na iwasang mabiktima ng sindikato ng droga.

Ginawa ang naturang hakbang sa pamamagitan ng paglalagay ng poster sa bukana ng OFW lounge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Isinalarawan ng poster na produkto ng PDEA kung paano naitatago ng isang drug courier ang droga para hindi mamalayan ng mga awtoridad.

Nakasaad sa poster na “Drug couriers are people who transport drugs by hiding them inside their bodies in exchange for money. It’s a punishable crime. Don’t be a victim. Be vigilant.”

Ayon sa PDEA source, kalimitan sa mga nasasangkot sa droga ay yung mga taong tinatawag na “kapit sa patalim” o mga taong mahigpit ang pinansiyal na pangangailangan.

Una nang nadiskubre ang paglulunok ng droga makaraang isang babaeng OFW na galing Pakistan ang naaresto ng PDEA dahil sa pagdadala ng 350 gramo ng heroin.

Lumalabas na nilulon ni Maria Luwalhati Reyes ang ilang kapsula na may lamang heroin at ang iba ay ipinasok sa maselang bahagi ng kanyang katawan.

Tatlong Pinoy na nasa death row sa China na nakilalang sina Sally Ordinario Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain ang magkakahiwalay na naaresto sa nasabing bansa dahil sa drug trafficking.

Ayon sa PDEA, may 689 kaso ng mga nahuling drug courier, na ang 431 ay pawang kababaihan habang 258 ang lalaki. May 79 naman ang nahaharap sa death penalty sa China kabilang sina Villanueva, Credo at Batain.

Samantala, itinanggi ni Manila International Airport Authority general manager Jose Angel Honrado na walang kakayahang maka-detect ng droga ang x-ray machines sa NAIA.

Nilinaw nito na walang katotohanan ang mga report ng PNP-Aviation Security Group na mahina ang x-ray machines sa airport.

Sinabi ng opisyal na dapat munang nagtanong ang PNP bago nagbigay ng anomang pahayag hinggil sa security equipment.

Una nang binanggit ng aviation police na hindi kayang mag-detect ng droga ang x-ray machines sa paliparan kaya ito naipalulusot at nadadala sa ibang bansa.

Ayon kay S/Supt. Manuel Pintado, deputy director ng PNP-Police Center for Aviation Security, kaya lang sila nakahuhuli ng pasaherong may dalang droga, kapag ito ay hindi masinsin ang pagkakatago sa bagahe at umaasa rin sila sa binibigay na tip ng kanilang source.

Ayon pa kay Pintado, ang x-ray machines ng paliparan ay mas malakas sa pag-detect ng bomba, eksplosibo at baril. Benny A.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply