OFWs ng oil firms sa Libya di pinaaalis ng employers

KAHIT gusto nang umuwi sa Pilipinas ng mga overseas Filipino worker na nagtatrabaho sa mga oil companies sa Libya ay pinipigilan silang lumikas ng kanilang mga employer.

Sinabi ni Joan Fondevilla, Pinay nurse sa National Oil Corp. sa Tripoli, na nakalikas na ang halos lahat ng mga kasamahan nilang banyaga, ngunit naiwan pa ang mga Pinoy.

Ayon kay Fondevilla, ligtas silang halos 90 Pinoy ang kinukupkop ng kanilang mga employer sa ospital. Hindi naman umano sila kinukulang ng makakain.

May kontak na rin aniya sila sa embahada ng Pilipinas, ngunit inabisuhan sila ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na uunahing ilikas ang mga may anak at may mga sakit.

Inihayag ni Ariel Bassig, isang OFW na nagtatrabaho sa Sirte Oil Co. bilang technician, na bantay-sarado ang kanilang complex dahil ito ay vital facility.

Minabuti umano ng kanilang employer na panatilihin sila sa loob para sa kanilang kaligtasan.

Sinabi ni Bassig na nasa 300 Pinoy sila ngayon doon, bukod pa ang 100 OFW na pinatuloy na rin ng kumpanya matapos magkaroon ng nakawan sa lugar na kanilang tinutuluyan.

Batay sa talaan, umaabot na sa kabuuang 1,897 Pilipino na ang nakalabas ng Libya.

Sinabi ni Ed Malaya, spokesperson ng Department of Foreign Affairs (DFA), na sa bilang na ito ay 346 OFW na ang nakauwi ng Pilipinas mula noong Sabado.

Nasa 400 OFW naman aniya ang dumating sa Tunisia kagabi.

Iniulat ni Malaya na mismong si acting Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang sumundo sa mga Pinoy sa Tripoli nitong Linggo.

Muli namang bumalik ngayon, Lunes, sa Tripoli ang grupo ni Del Rosario para sunduin ang 150 pang OFW na nasa Embahada ng Pilipinas doon.

Binanggit naman ni Malaya na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Greek shipping companies para sunduin naman ang mga OFW na naiipit sa Benghazi.

Gayunman inamin ng DFA na nagkulang ito sa “effort” upang ilikas ang mga OFWS na naipit sa sigalot sa Libya.

Ayon pa kay Malaya, maraming natutunan ang gobyerno dahil sa nangyari sa Libya. Johnny F. Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply