OFWs patungong Bahrain pinigil sa NAIA

DISMAYADO ang ilang grupo ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na patungong Bahrain nang harangin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa advisory ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nagsususpinde sa processing at deployment ng manggagawa sa tatlong bansa sa Middle East at North Africa.

Nabatid kay Atty. Ma. Antonette Mangrobang, airport operations division head ng Bureau of Immigration, mahigpit nilang ipinatutupad ang kautusan na walang Pinoy na makapupunta sa mga bansang kasalukuyang may kaguluhan.

Aniya, sinunod lamang nila ang POEA Advisory no. 6 na nagsususpinde sa processing at deployment sa Bahrain, Libya at Yemen hanggang hindi pa normal ang political at security condition sa mga bansang nabanggit.

Sa kasalukuyan, patuloy ang protestang isinasagawa ng minoryang Shia sa oil-rich Bahrain na humihingi ng pantay na pagtrato sa pamahalaang pinatatakbo ng mayoryang Sunni Muslim kung saan pito katao na ang namatay at daan-daan na ang nasaktan sa kaguluhan.

Nabatid kay Mangrobang na sa kabila ng hindi Bahrain ang pinal na destinasyon ng mga Pinoy, papasok naman ang mga ito sa nasabing bansa at saka lululan ng bus patungo sa lugar na bansang kanilang pagtatrabahuan.

Ang grupo ng OFWs ay pasakay sana ng Gulf Air flight na ang destinasyon ay Bahrain. Johnny F. Arasga

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply