Okay ka ba magbitbit ng iligal na droga?

INAABUSO daw ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil ginagawang mga drug mules o tagapuslit ng mga bawal na droga palabas ng bansa.

Noong isang araw, may isang babae nahuling may dalang heroine na itinago nya sa kanyang private parts. Sising-sisi ang babae kung bakit sya natukso na magdala ng mga bawal na droga.

Ang mga OFWs ang tinaguriang mga modernong bayani dahil sa sakripisyo nila na iwan ang pamilya at mga mahal sa buhay para kumita ng dolyar na nagpapaangat naman sa kabuuang ekonomiya ng bansa.

Malaki ang kontribusyon ng mga OFW sa kalusugan ng ekonomiya ng Pilipinas kaya hindi mo tuloy malaman kung awa o galit ang mararamdaman mo tuwing may mga balitang ganito: Mga Pinoy nahuling nagpuslit ng droga sa ibang bansa, mga Pinoy bibitayin dahil sa kasong drug trafficking, tulad na lang ng tatlong Pilipino na hinatulan na ng bitay sa lunes dahil nahuling nagpuslit ng iligal na droga sa China.

Nakakaawa ang pamilya na umiiyak na humihingi ng tulong sa gobyerno para isalba ang buhay ng mga nahatulan ng bitay dahil sa kasong drug trafficking.

Pero bakit ba sila nasuot sa ganitong sitwasyon? Marami sa kanila ang katuwiran ay hindi nila alam na  iligal na droga ang ipinakidala sa kanila ng kung sino. Yung iba hindi daw alam na may iligal na droga sa mga bagahe nila.

Kung susuriin natin ang mga sagot nila, mas marami pa tayong tanong.  Hindi ba nila naisip na baka nga kontrabando ang ipinakipadala sa kanila at hindi ba nila inisip na delikado at baka mahuli at mapahamak pa ang byahe nila? Tumanggap siguro sila ng pera para sa padala na yun kaya sila pumayag. Pero bakit?

Magtatrabaho na nga sila sa ibang bansa at dolyar ang kita bakit sila susugal pa ng ganun?

Ang sabi ng ilan, marami na kasi sigurong naiwang utang ang mga OFW na ito sa Pilipinas bago pa man umalis kaya pinagkainteresan na rin nila ang suhol na maging tagabitbit ng package na “hindi daw nila alam” kung ano ang laman.

Isa pang nakakabahalang tanong: Bakit ang iba ay nakakalusot pa sa paliparan ng Pilipinas at sa ibang bansa na nahuhuli? Nagkaabutan din ba ng suhol sa airport natin o mahina lang talaga ang security sa Pinas?

Kung tutuusin, kung dito nahuli sa atin kulong lang, hindi sana bitay kagaya ng sa China. Inaabuso daw ang mga OFW at ginagamit na mga illegal drug couriers pero kung hindi sila papayag hindi naman mangyayari.

Maaabuso lang ang isang tao kung magpapaabuso. Maaring sinasamantala ng mga ganid ang kahirapan ng iba at pangangailangan sa pera pero kung hindi magpapasamantala ay walang mapapagsamantalahan. Lagi, nasa sa atin ang desisyon kung pipiliin ang baluktot o ang tuwid na daan, maging ano man ang dahilan.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon.-Ariel Enrile-Inton

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply