Ombudsman sinisi sa Gotesco deal controversy

DALAWANG dekada na ang itinagal ng kaso pero ‘di matapos-tapos dahil hanggang ngayon ay pinag-uusapan pa ang kontrobersyal na Gotesco deal.

Kumbaga, naiinip at nabubuwisit na ang mga taga-Caloocan sa paghihintay sa araw na may masilayan silang managot sa usapin na ito.

Yun bang may makita silang nakakulong sa rehas o sa Muntinlupa Bilibid prison dahil sa pagbaluktot sa umiiral na  batas.

Ang isyu ay ang land deal ni Joe Go ng Gotesco at pamahalaang lungsod ng Caloocan na kinatitirikan ng Gotesco Grand Central.

Nagsimula ang transaksiyon noong Setyembre 6, 1990 nang bigyan ng City Council ng ‘authority’ si noo’y Mayor Boy Asistio para ibenta ang lupa.

Subalit ‘di naisakatuparan ang ‘land sale’ matapos mag-object ang Commission on Audit (COA) sa presyo ng bentahan.

Natapos ang administrasyon ni Mayor Asistio noong Hunyo 30, 1995 na walang nangyari sa bentahan.

Pumalit si Rey Malonzo  na alkalde ng lungsod noong Hulyo 1, 1995, at dito muling nabuhay ang usaping ‘Gotesco land deal’ matapos ang anim na taon.

‘Di na Asistio administration ang kausap ni Go kundi ang bagong pasok na admi-nistrasyong Malonzo.

Sa ‘di malinaw na dahilan,  na-transfer ang titulo ng lupa sa Gotesco nang walang bayad sa pamahalaang-lungsod ng Caloocan, ayon kay Asistio.

May rekomendasyon noon ang Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ng noo’y Sen. Robert Barbers para sa pagsasampa ng kaso sa ilang personalidad.

Kabilang dito ang ilang opisyal ng Caloocan City Hall  at ahensya ng gobyerno na  nakita sa imbestigasyon na may pagkakasala.

Pero, tila, mailap ang hustisya para sa mamamayan ng Caloocan, dahil  dalawang dekada na ang nakalilipas, maiinit pang pinag-uusapan ito.

Patuloy na nakatatakas sa kasalanan ang mga may sala sa  ‘Gotesco deal’ scam dahil sa kabuktutan ng Office of the Ombudsman, giit ni dating Mayor Asistio.

May suspetsa siyang nakipagkutchabahan ang Ombudsman at National Bureau of Investigation sa ‘lutuan’ dito.

Napakalaking transaksiyon ito na dapat bigyang pansin ni PNoy sa kanyang ‘Matuwid na Daan’.- Bong Padua

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply