‘Open book’ ang korapsiyon sa COA

MATAGAL ko nang ibinubulgar ang matinding korapsiyon sa hanay ng mga resident auditor sa local government units at government offices.

Pero hindi pinapansin ng kinauukulan, katulad ng Ombudsman, Senado, Kamara o kaya ng Malacanang. At kung ‘di pa nabulgar ang anomalya sa Armed Forces of the Philippines, siguradong tuloy-tuloy ang ligaya ng mga Commission on Audit auditor.

Sa pagpapatuloy ng Senate inquiry noong Lunes, isinabit ni Ret. Col. George Rabusa ang isang COA auditor sa korapsiyon sa militar.

Ayon kay Rabusa, ang COA auditor na si Divina  Cabrera ay kasapakat sa maniobra ng nakawan ng milyon-milyong AFP fund.

Tumataginting na two percent ang hinihingi raw ni Cabrera sa bawat pondo na kanyang hinohokus-pokus bilang resident auditor.

Kung halimbawa’y P10 milyon ang pondo na mamagikin, ang makukuha ni Cabrera sa hinihinging 2 % commission ay P200,000.

Sa totoo lang, ‘di lang sa AFP may korapsiyon, kundi sa maraming government office at local government units (LGUs).

Kumbaga, ‘open book’ na ang kutchabahan ng mga resident auditor, mayor, governor, department head at office chief.

Magkakasapakat ang mga iyan sa ‘pagluto’ ng mga programa at proyekto kapalit ng kanya-kanyang porsiyento ng komisyon.

Kung matino ang isang auditor, hindi magiging corrupt ang mayor, gobernador, department head, office chief at iba pa.

Ito’y dahil ‘di maaaprubahan ang proyekto kapag walang pirma ang auditor na nagpapatunay na maayos ang programa at proyekto.

Ang trabaho ng auditor ay para siyasatin ang mga ginagastusang proyekto o programa kung ito’y tama at ayon sa umiiral na batas.

Pero ano ang ginagawa ng mga auditor? Imbes na iayos ang programa at proyekto, binabaluktot ang mga ito kapalit ng ‘lagay’.

Ipinangako noong kumakandidato pa si Pangulong Noynoy Aquino na isa sa mga prayoridad ng kanyang gobyerno ay ang paglaban sa korapsiyon.

Pangulong Noynoy, maalis lang ang korapsiyon sa COA, siguradong mabubura ang korapsiyon sa buong bansa.-Bong Padua

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply