Oversight Committee papakilusin na

PINURI ng isang miyembro ng Kamara de Representates ang liderato ng Kamara sa hakbang na muling pakilusin ang Congressional Committee on Oversight na sumusuri sa paggasta ng pondo ng mga ahensya ng pamahalaan.

“Isang magandang halimbawa ang hakbang ng liderato ng Kamara na gawing aktibo ang komite, kaya’t suportado ito ng minoridad. Dapat agad maiulat ang magiging miyembro at tungkulin nito,” ani Albay Rep. at House Minority Leader Edcel Lagman sa pulong pambalitaan.

Ayon kay Lagman, ang pagpapakilos sa Oversight Committee ay matibay na hakbang upang ganap na mabusisi at maimbestigahan ang lahat ng pondong ginagasta ng mga ng ahensya ng pamahalaan na inaprubahan sa ilalim ng 2011 General Appropriations Act (GAA).

Kapangyarihan ng naturang komite ang direktang pagsusuri sa mga tungkulin at koordinasyon ng executive development planning at congressional action, at kung naipatutupad ba ang mga batas at patakaran na ipinaiiral batay sa kasunduan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Samantala, sinabi ng mambabatas na hindi niya kinonsidera ang hindi pagsama ng Reproductive Health (RH) Bill sa listahan ng mga pangunahing isyu na isinumite sa kauna-unahang pagpupulong ng LEDAC bilang balakid sa kalagayan ng panukala.

“Hangga’t hindi tinatalikuran ng Pangulo ang pag-eendorso sa responsible parenthood at voluntary family planning, na siyang nilalaman ng RH bill, tinitiyak ko sa inyo na buhay na buhay ito.”

Tiniyak ni Lagman na nakahanda na ang Kamara sa mabusising pagbalangkas ng panukala sa plenaryo, at sa Senado naman ay nagpalabas na ng mga positibong pahayag ang Chairman ng komite na tumatalakay sa RH bill. Beth Aragon

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply