P260B deficit sa 2012 asahan– Abad

TIYAK na magkukumahog ang mamamayan sa pag-amot ng pangunahing serbisyo mula sa pamahalaan dahil tinatayang aabot sa P260 bilyon ang budget deficit sa susunod na taon na magpapahigpit sa sinturon ng gobyerno.

Sa panayam matapos makumpirma ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA), sinabi ni Budget Secretary Butch Abad na lumalaro sa P260 – P270 bilyon ang inaasahang budget deficit ng bansa sa 2012.

Walang binanggit naman si Abad kung maghihigpit ng sinturon ang pamahalaan sa susunod na taon dahil lumalago naman umano ang koleksiyon ng Department of Finance (DOF) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) sa unang yugto ng taon.

Tumaas umano ng mahigit 10% koleksiyon sa BIR at 16% naman sa BOC at saka lumalago ang pagpasok ng dayuhang pamuhunan dulot ng bagong kaligiran sa pulitika sa pagkakahalal ni Pangulong Benigno Aquino III na may layunin na burahin ang korapsiyon.

Ayon kay Abad, kailangan lamang ipagpatuloy ang paggastos ng pamahalaan sa imprastruktura partikular sa kanayunan upang makalikha ng hanapbuhay na sinuportahan ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Bukod kay Escudero, suportado rin ni Sen. Ralph Recto ang pananaw ni Abad kaya hindi magkakaroon ng legislative measure ang Senado upang punan ang kakapusan sa badyet, bagkus kukunin na lamang ang ilang porsiyento sa retained earnings ng government owned and  controlled corporations tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sinabi ni Recto na kahit magkaroon ng 2.6% budget deficit ng gross domestic product (GDP) ang pamahalaan, hindi magkakaroon ng problema sa usapin ng pananalapi kung lalago naman ng walong porsiyento ang ekonomiya. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply