Paano nakalusot sa NAIA ang 8 kilong heroin?

MALAKING katanungan para sa atin, mga Bro, kung paano nakalusot sa Ninoy Aquino International Airport ang mahigit sa walong kilong heroin na bitbit ng dalawang overseas Filipino worker papuntang China noong 2008.

Tinutukoy natin ang kaso nina Sally Villanueva at Ramon Credo na bibitayin sana sa Tsina simula sa araw na ito dahil sa paratang na heroin smuggling.

Kasama nina Villanueva at Credo si Elizabeth Batain na napatunayang nagpasok ng kilo-kilong droga sa nasabing bansa.

Siyempre pa, hindi na natin tatanungin kung paano rin nakalusot si Batain sa airport sa Malaysia na kanyang pinanggalingan papunta sa bayan ng mga Intsik.

Ang pagtutuunan natin ng pansin ay sina Villanueva at Credo. Isang linggo lang, mga Bro, ang pagitan ng pagbiyahe ng dalawa palabas ng NAIA.

Istrikto at sinasabing moderno ang makinarya natin sa NAIA at walang nakalulusot na kontrabando.

Pero paano nga nakalusot ang droga roon?

Isipin ninyo, mga Bro.

Bukod sa x-ray, may sniffer dog at matatalas na mata ng mga nasa airport. Pero magkasunod na nakalusot ang mahigit tig-apat na kilo ng droga na bitbit nina Villanueva at Credo.

May malaking depekto sa NAIA, mga Bro.

Paano ang iba pang OFW na nakalusot din sa NAIA?

Isa pang katanungan, paano rin nakalusot papasok sa mahal kong Pinas ang mga heroin?

Gaano na kalaking bolyum ang naipasok ng mga sindikato sa droga sa Pinas?

Dahil sa heroin, nasisira hindi lang ang imahe ng bansa sa mata ng iba kundi mismo ang ating lipunan at pamahalaan. Sa Pinas, pinakamalaking dahilan ng mga krimeng nagaganap ang bunga ng droga.

Ang kapabayaan o kapalpakan sa NAIA sa pagbabantay laban sa droga ay nagpapakita kung paano naging kasangkapan ng mga druglord ang pamahalaan.

Ngayon, mga Bro, may mga sangkot bang taga-NAIA sa drug smuggling at trafficking na rin sa ibang bansa?

Anak ng kilo-kilong putakte, yang magbantay naman yata sa komisyon sa mga kontrata sa taksi at iba pa sa NAIA ang inaatupag ng mga taga-airport!

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph
Benny Antiporda

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply