Pag-eksamin sa pirma ni Joey Marquez pinaboran ng SC

INATASAN ng Korte Suprema ang Sandiganbayan na payagan si dating Parañaque Mayor Joey Marquez na isimute ang mga ebidensya para sa kasong graft laban sa kanya sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa eksaminasyon at authenticity ng mga dokumento.

Sa desisyon na isinulat ni Supreme Court (SC) second division Associate Justice Jose Catral Mendoza, pinagbigyan nito ang petition na inihain ni Marquez  na kumukontra  sa resolution ng Sandiganbayan kaugnay sa kasong graft ng dating alkalde bunsod sa pagbili ng overpriced na mga bala.

Sa nasabing resolution ng Sandiganbayan, ibinasura nito ang motion para isumite sa NBI ang mga documentary evidence na iprinisinta ng prosekusyon.

Ipinag-utos din ng SC sa NBI na kaagad magsagawa ng eksaminasyon sa mga kuwestiyunableng dokumento at isumite ang resulta nito sa korte upang mabilis ding maaksyunan ng Sandiganbayan.

Nakasaad din sa resolution ng SC na umabuso sa kapangyarihan ang Sandiganbayan dahil sa pagtanggi ng mga ito na marinig ang panig ni Marquez at makapag-produce ng ebidensya na nais niya at para sa kanyang depensa.

Lumalabas na sa depensa ni Marquez, peke ang pirma niya sa mga dokumento na naglalaman ng disbursement vouchers, purchase at authorization requests kaya hiniling nito ang pagsusumite ng ebidensya upang patunayan na ang kanyang pirma ay pineke.

Binalewala naman ng SC ang depensa ng prosekusyon na ang motion ni Marquez ay upang ma-delay ang prosekusyon ng Korte.

Iginiit pa ng Korte Suprema na kung nabalam ang naturang kaso, ito ay dahil sa pagtanggi ng Sandiganbayan sa simpleng kahilingan ni Marquez dahil kung napagbigyan ito noong una pa ay umusad ng maayos ang pagdinig sa kaso at posibleng natapos na ngayon. Teresa Tavares

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply