Pagbabawal sa pagbili ng condom, ibinasura ng local gov’t ng Muntinlupa

MAHIGPIT na tinutulan ng Sangguniang Panlunsod ng Muntinlupa ang ipinasang ordinansa ng isang barangay ang mahigpit na pagbabawal na bumili ng condom na walang reseta ng mga doktor.

Ang pagbasura ay kaugnay sa ordinansang ipinasa ng isang mamamayang barangay sa Muntinlupa na nagsusulong ng “Reproductive bill” na nag-uutos na kailangan magpakita ang isang kustomer ng reseta buhat sa doktor para makabili ng condom sa naturang lugar.

Sa panayam ng Remate, tahasang sinabi ni Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro na kailangan munang idaan sa public consultation ang ipinasang ordinansa dahil hinahadlangan ng naturang barangay ordinance ang karapatan ng tao na makabili ng condom na isang pamamaraan para masugpo ang pagbubuntis ng isang babae.

Ayon pa kay San Pedro, magpapasa sila ng isang ordinansa upang kontrahin ang naunang ordinansa ng barangay sa Ayala, Alabang.

Nauna rito, sinabi ni Elizabeth Angsioco, ng National Chairperson of the Democratic Socialists Women of the Philippines, na “unconstitutional” at paglabag sa karapatan ng mga residente para sa kalusugan, edukasyon, privacy at pagtatag ng pamilya ayon sa kanilang kagustuhan ang pagpasa ng ordinansa.

Ipinasa ang naturang ordinansa nitong Enero 3 sa pangunguna ni barangay chairman Alfred Xerez-Burgos, Jr. dahil sa paniwala na isa umanong instrumento ng aborsyon ang mga kontraseptibo.

Naniniwala rin sila na maaaring makapatay ng sanggol at makasama sa kalusugan ng babae ang paggamit ng mga kontraseptibo at nagpapalakas sa “premarital sex”.

Sa ilalim nito, kinakailangan muna magpakita ng reseta para makabili ng condom.
Inaatasan rin ang lahat ng mga botika at pharmacist sa naturang barangay na itala ang mga datos sa ibinibentang mga kontraseptibo tulad ng bilang at petsa ng mga preskripsyon; pangalan at tirahan ng doktor; pangalan, bilang at manufacturer ng gamot; pangalan at address ng bumili; petsa ng preskripsyon at pirma ng pharmacist na tumanggap nito.

Pinagbabawalan rin ng ordinansa ang lahat ng mga guro, mga advocates ng reproductive health at mga social workers sa pagtuturo ng “sex education” sa loob ng naturang barangay ng walang kaukulang konsultasyon sa mga magulang ng mga mag-aaral habang mahigpit ring ipinagbabawal ang paglalagay ng mga patalastas para sa lahat ng uri ng kontraseptibo.

Ang mga lalabag sa naturang ordinansa ay pagmumultahin ng P500 o pagkakulong ng hanggang apat na buwan. Kung dayuhan umano ang lalabag, maaaring maging dahilan ito upang mapadeport sa kanilang bansa.

Ngunit sinabi ni Angsioco na nais ng barangay council na lituhin ang kanilang mga nasasakupan sa pagtuturo na mali ang mga kontraseptibo. Maging ang World Health Organization (WHO) at Bureau of Food and Drugs (BFAD) ay kapwa nagsabi na ligtas at mabisa ang mga kontraseptibo.

Sinabi rin nito na “anti-women” ang ordinansa dahil sa pagbabawal sa kababaihan na makabili ng kontraseptibo para sa kanilang sariling kalusugan at pagdidikta sa kanila ukol sa pagpapatakbo sa sariling pamilya.

Ang Barangay Ayala-Alabang ang isa sa pinakamayamang barangay sa buong Pilipinas at may populasyon na higit 40,000.

Kontra sa ipinalabas na ordinansa, nagka-isa ang Konseho na baguhin ang konsepto ng ipinasang ordinanasa at isasakatuparan ang konsultasyon sa susunod ng linggo kasabay ng pagpapasa ng City Ordinance laban sa naturang barangay ordinance. Johnny F. Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply