Paggamit ng anti-retroviral theraphy laban sa AIDS iminungkahi ni Lani

NABABAHALA si Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla sa ulat na nasa 10,000 Pinoy na ang positibong may Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) at patuloy pa itong dumarami.

“Batay sa mga datos mula sa mga tanggapan ng pangkalusugan, umabot sa 8,300 ang bilang ng may HIV/AIDS sa bansa noong 2007. Sa bilang na ito ay 2,200 ang kababaihan na may edad 15 pataas. 1,305 kaso ng HIV-positive naman ang napaulat noong 2010”, ani Mercado-Revilla.

Nabatid pa  na  ang bilang ng biktima ng HIV sa buong daigdig ay umabot na sa 33.3 milyon mula sa 8 milyon simula 1990 hanggang 2009. Sa bilang na ito ay 15.9 milyon ang kababaihan at 2.5 milyon ang kabataan. Ang mga pinakaapektadong bansa ay mula sa rehiyon ng Sub-Saharan Africa na may 22.5 milyong biktima ng AIDS at pumangalawa ang rehiyon ng Southeast Asia na may 4.1 milyong biktima ng AIDS.

Ayon sa mambabatas, maaaring mas mataas pa ang bilang ng mga AIDS carriers sa bansa kumpara sa nasa datos dahil maraming may ganitong karamdaman ang patuloy na inililihim ang kanilang kalagayan upang magtago sa kahihiyan.

Hinikayat  ng  lady solon  ang mga mamamayan na  boluntaryong  magpasuri upang sa mas maagang panahon ay maagapan ang lalong paglala ang sakit patungo sa AIDS.

Naniniwala ang  mambabatas na ang bilang ng biktima ng AIDS sa bansa ay maaaring mabawasan sa pamamaraang “anti-retroviral therapy,” na ngayon ay ginagamit na ng maraming bansa.

Ito aniya ay ayon sa pandaigdigang ulat ng mga nakaraang taon na nagresulta sa pagdami ng nakatatanggap ng ganitong uri ng lunas.

“Dapat nating matiyak na ang bawa’t biktima ng ganitong karamdaman sa ating bansa ay magkaroon ng pagkakataon na malunasan sa pamamagitan ng anti-retroviral therapy,” giit ng babaeng mambabatas. Beth Aragon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply