Paglikas sa mga OFW sa Libya ipinalalatag

UMAPELA ang Kamara de Representantes na agad ipatupad sa Libya at Bahrain ang paglilikas sa overseas Filipino workers (OFWs) katulad sa ginawa sa Egypt.

“Libya is deteriorating fast, and the four steps of the evacuation plan for Egypt must be telescoped into one.  The machinery that has been set up for Egypt must be implemented in Libya and Bahrain,” ayon sa text message ni Akbayan Rep. Walden Bello, chairman ng House committee on overseas workers  affairs (COWA).

Nangangamba si Bello na kapag hindi agad naglatag ng contingency plan ang pamahalaan ay mas marami pang Pinoy sa Libya at Bahrain ang maiipit sa gitna ng kaguluhan doon.

Ayon sa naunang ulat ng Migrante-Middle East regional director na si John Leonard Monterona, nasa 1,700 ang bilang ng mga OFW na naiipit sa isang ginagawang paliparan sa Benghazi, Libya na kanilang pinagtatrabahuhan.

Nagsimula ang kaguluhan nitong Pebrero 19 nang paputukan ng puwersa ng Libyan government ang mga nagpo-protesta upang wakasan ang 42-taong pamumuno ng kasalukuyang gobyerno doon sa silangang bahagi ng Benghazi City. Labing-limang katao na ang namatay at mas marami pa ang nasugatan.

Iniulat din ni Monterona na pinutol na ang lahat ng komunikasyon sa lugar, gaya ng internet, at inaasahang puputulin din ang mga linya ng telepono at cell phone.

Umaabot sa 25,000 OFW ang nasa Libya kung saan mahigit sa 16,000 ay nurses. Ang nalalabing bilang ay mga propesyonal at construction worker.

Isa sa suliranin umano ng mga OFW sa Libya ay hindi nila hawak ang kani-kanilang mga pasaporte at iba pang pertinenteng travel documents na pawang nasa poder ng kanilang mga amo.

Nanawagan din si Bello sa embahada ng Pilipinas sa Tripoli na agad mag-ulat sa pamahalaan kung ano ang tunay na sitwasyong pang-seguridad sa Libya. Meliza Maluntag

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply