Paglilikas sa OFWs sa Libya, namumuro na

KINALAMPAG na ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang mga kaukulang ahensya para sa dagliang paglilikas ng mga naiipit na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa lgitna ng lumalalang kaguluhan sa bansang Libya.

Sa press briefing kahapon sa Palasyo, inihayag ni DFA Undersecretary Esteban Conejos na inatasan na ni Pangulong Aquino ang mga ahensya ng pamahalaan na gamitin ang lahat ng resources at iba pang paraan para sa dagliang paglilikas ng mga naiipit na Pinoy sa naturang bansa sa rehiyon ng Africa.

Ayon pa kay Conejos, nais din matiyak ng Punong Ehekutibo na siguraduhin na walang maiiwan kahit isang OFW sa sandaling magpatupad na ng puwersahang repatriation upang makatakas sa mga malawakang kilos protesta sa Libya.

Aniya, bahagi rin sa kautusan ng pangulo ay ang paglalatag ng isang komprehensibong plano tulad ng pag-aralan kung alin sa pagbiyahe sa lupa, sa barko o eroplano ang higit na ligtas sa ruta na gagamitin sa paglilikas ng mga kababayan palabas ng Libya.

“All resources of government in anticipation of evacuation should be put at the disposal of this operation including the commission of special flights to bring home the OFWs there,” pag-ulit nito sa direktang pahayag ng Chief Executive.

Kasalukuyan na rin na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa kompanya ng Philippine Airlines at Qatar Airways na posibleng gamitin sa paghahakot ng mga Pinoy pabalik ng Pilipinas.

“In planning, we always prepare for the worst scenario,” diin pa ng opisyal ng Department of Foreign Affairs.

Sinabi rin ni Conejos na naka depende sa mga susunod na kaganapan sa Libya ang pagpapatupad ng inilatag na plano ng embahada ng bansa sa Tripoli.

Idinagdag pa nito na nagtatag na ng 24-oras na crisis management team sa capital ng Libya habang nakatutok naman sa anumang pagbabago sa sitwasyon sa naturang bansa ang mga opsiyal ng DFA.

Binigyan-diin pa ni Conejos na sa sandaling maging ligtas ang pagbyahe mula sa Libya ay kaagad din na ipatutupad ng pamahalaan ang paglilikas sa bawat Pinoy na posibleng pinababayaan na ng kanilang mga employers mula nang pumutok ang demonstrasyon upang ipanawagan ang pagpapatalsik sa kapangyarihan kay Libyan President Muammar Gaddafi.

Humingi na rin ng tulong ang gobyerno sa International Organization for Migration (IOM) na tumulong sa paglilikas sa mga OFWs na boluntaryong nagnanais na makabalik na ng bansa.

“We cannot do it alone. We hope the IOM will help us arrange for us to swiftly air transport people out of Libya,” pagtatapos pa ni Conejos. Axel Sam

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply