Pagpapatalsik kay Gutierrez bibilisan

NAKATAKDA nang isalang sa plenaryo ang impeachment proceedings laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez sa susunod na buwan.

Ito ang inihayag kahapon ni Iloilo Rep. Niel Tupas, chairman ng House committee on justice, na siyang inatasang humawak ng nasabing pagdinig.

Bunsod ito sa ginanap na pagdinig ng komite kung saan itinakda ang pagdinig sa Marso 1, 2, 8 at 9 makaraang mapagbotohan ng  House panel sa botong 21 pabor at limang hindi.

Dahil dito, nagbigay na rin ng go signal si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings.

Sinabi ni Tupas na binigyan na nito si Gutierrez ng tatlong araw upang sagutin ang nasabing reklamo laban sa kanya.

Tinawag ni Tupas na  “general default” ang kahaharapin ni Gutierrez sa sandaling hindi ito tumalima sa nasabing kautusan.

Mahalaga aniya ang kasagutan ni Gutierrez para sa gagawing pagdetermina kung sufficient in substance  at sa porma ang nasabing  reklamo.

Sinabi ni Belmonte na nakausap na niya sina Solicitor General Jose Anselmo Cadiz at mga abogadong humahawak ng naturang  kaso at tiniyak na walang magiging balakid para mapatigil ang proceedings.

Maaari rin umanong magkaroon ng pagbabago kung may kautusan na ang Korte Suprema dahil wala pang final ruling ito hinggil sa naturang reklamo.

Nabatid na noong Pebrero 15, nagdesisyon ang korte sa naging petisyon ni Gutierrez hinggil sa dalawang impeachment cases na nasa House justice committee.

Si Gutierrez ay kinasuhan ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa akusasyong inuupuan lang nito ang mga kasong isinampa sa kanyang tanggapan lalo na kung ang isinasangkot sa kaso ay kabilang sa Unang Pamilya ng nakaraang administrasyong Arroyo.-Beth Aragon

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply