Pagsusuot ng helmet bawal sa Bicutan

KUNG ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at iba pang pamahalaang lokal ay mahigpit na ipinagbabawal ang walang helmet habang nakamotorsiklo, mahigpit namang ipinagbabawal sa Barangay Western Bicutan, Taguig ang naka-helmet o anumang saklob sa ulo.

Sa pamamagitan ng isang panukala, ganap itong naging resolusyon o batas nang lagdaan ni Kapitan Nicky Supan at ng kanyang mga kagawad ngayong Martes, Pebrero 15.

Ang resolusyon ay kaugnay sa magkakasunod na pamamaslang ng dalawang hindi nakikilalang salarin na kapwa naka-bonnet at naka-helmet na sakay ng iisang motorsiklo.

Nakasaad sa resolusyon na kinakailangang tanggalin ang helmet, anumang maskara o saklob sa mukha upang makilala at matukoy ang pumapasok sa lugar ng Sambong at Champaca streets.

Sisitahin at ipatatanggal ng mga naka-deploy na tauhan ng barangay ang sinumang naka-helmet o anumang saklob sa mukha.

Ang sinumang tumangging mag-alis ng saklob sa ulo ay ikokonsiderang may masamang pakay sa lugar at kukwestiyunin ng pamunuan ng barangay.

Naunang pinaslang nitong Disyembre 17, 7:15 ng gabi ang retiradong miyembro ng Philippine Army na si Olangob habang sakay ng kanyang tricycle sa Sambong street, Western Bicutan.

Pinagbabaril din si Dario ng dalawang hindi nakilalang lalaki na naka-bonnet at naka-helmet sa hindi malamang dahilan.

Ilang araw pa lamang naililibing si Dario nang pagbabarilin naman ng dalawang naka-helmet na lalaki na kapwa rin nakamotorsiklo ang may-ari ng grocery na kinilala sa pangalang Domingo, mahigit 50-anyos, 8 ng gabi nitong Pebrero 11 sa kanyang tindahan sa Champaca street, may ilang metro lamang ang layo sa kanto ng Sambong street.

Bunsod ng tatlong magkakasunod na insidente, labis na nangangamba ang mga negosyante lalo na silang maituturing na matagumpay sa lugar dahil may impormasyong may mga isusunod pang kikitilin ang buhay. Johnny F. Arasga

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply