Palit ulo sa bibitaying 3 Pinay sa China iminungkahi sa DFA

KASABAY ng napabalitang pagbitay sa tatlong overseas Filipino workers sa bansang China, iminungkahi kahapon ng isang mataas na opisyal ng Department of Foreign Affairs  ang palit-ulo sa mga ito.

Ayon sa opisyal na tumangging pangalanan, napag-usapan na kung maaring  imungkahi kay Pangulong Benigno Aquino III na ipanukala ang palit-ulo sa mga nahuling Chinese national sa illegal na droga sa Pilipinas kapalit ng pagpapalaya sa tatlong OFWs na nakatakdang bitayin sa katulad na kaso.

Sinabi pa ng opisyal na may extradition treaty naman ang Pilipinas at China kaya posible ang panukalang palit-ulo sa mga nagkasalang Pilipino sa China at sa mga Chinese na nagkasala sa Pilipinas. Taong 2001 nilagdaan ang nasabing tratado.

“Sakaling hindi mangyari ito, maari rin namang pakiusapan ang pamahalaang China na isantabi muna ang pagpataw ng parusang kamatayan sa mga OFW dahil nakatulong naman ang Pilipinas na maibalik sa komunistang bansa ang mga Chinese at Taiwanese nationals na kanilang pinaghahanap,” pahayag pa ng opisyal bilang paghahambing sa kaso ng 24 na dayuhang banyaga na may kasong large-scale estafa sa China.

Sinabi naman ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Esteban Conejos, nagkakaroon na ng pag-uusap ang mga opisyal ng Pilipinas at China upang maisalba ang mga OFW.

Tiniyak  ni DFA Assistant Secretary Ed Malaya na patuloy na bibigyan ng anumang ayuda ang mga OFWs na nakasalang sa death penalty.

Ayon pa sa tagapagsalita ng kagawaran, bagama’t itinakda na sa Lunes ang pagbitay sa isa sa 3 OFWs, hindi pa rin tumitigil ang pamahalaan upang pakiusapan ang Chinese authorities para maisalba sa tiyak na kamatayan ang mga nasabing OFWs.

Kabilang sa papatawan ng parusang kamatayan ay isang Pilipinong may edad 42 na nahatulan makaraang mahulihan ng 4,113 gramo ng heroin noong Disyembre 28, 2008 sa Xiamen, 32 anyos na Pilipina na nahulihan naman ng 4,110 gramo ng heroin noong Disyembre 24, 2008 at isang 38 anyos na nahatulan matapos na mahulihan ng 6,800 gramo ng heroin noong May 24, 2008 sa Shenzhen.

Gayunpaman, ipinagdiinan ng Chinese embassy na pinal na at nakatakda nang bitayin sa susunod na linggo ang mga nahatulang OFW.

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Malakanyang na pakiusapan ang gobyernong Tsina na ikonsidera ang kanilang apela sa hatol na bitay.

Hinihiling ng gobyernong Pilipinas na gawing habambuhay na pagkabilanggo na lamang sa halip na bitay sa pamamagitan ng lethal injection ang igawad sa mga Pinay.

Sinabi ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Office  Secretary Ramon Carandang na sa kahuli-hulihang araw ay gagawa sila ng paraan para masagip ang tatlo na  nakatakdang bitayin sa Lunes, Pebrero 21, 2011.

Nakatakdang umalis si Vice-President Jejomar Binay para pakiusapan ang Chinese government na ikonsidera ang naging hatol sa mga Pinoy.

Inamin naman  ni Pangulong Aquino na Agosto pa lamang ng nakaraang taon ay sinulatan na niya ang mga lider ng China na humihiling  na i-commute ang death penalty  sa mga Pinay.

“Medyo mahirap at saka noong binabasa natin yung records talagang kilo-kilo ang pinag-uusapan,  ang drugs  is a worldwide  problem and  we have to respect  their sovereignty,” ang pahayag ni PNoy.-Freddie Cortez at Kris Jose

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply