Palpak na operasyon ng NBI kinondena

NAGHAIN na ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod ng Muntinlupa na kumokondena sa marahas at palpak na pagsalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bahay ng isang konsehal sa lungsod matapos mapagkamalang sangkot sa sindikato ng iligal na droga.

Ang resolusyon ay inihain matapos salakayin ng mga ahente ng NBI sa pangunguna ng isang Salvador Arteche ang bahay ni Konsehal Elmer Espeleta, ng Barangay Cupang noong Sabado, Pebrero 5 matapos mapagkamalan na sa kanyang bahay nagkukuta ang hinahanap nilang drug pusher.

Puwersahan umanong binuksan ng mga armadong ahente ng NBI ang bahay ng konsehal, sinira ang pintuan ng silid ng mga anak niyang babae sa ikalawang palapag at sinampal pa ang konsehal nang hanapan ang NBI ng search warrant.

Pinaluhod din umano ng NBI agents ang konsehal, idiniin ang mukha sa mesa habang pinosasan na nasaksihan ng nag-iiyakan niyang pamilya.

Nang ipakita umano ni Arteche ang hawak na search warrant, nakapangalan ito sa isang Artemio Limas na hindi naman kilala ng konsehal at hindi rin nakatira sa kanilang bahay.

Sinabi ni Espeleta na humingi na ng paumanhin sa kanya si NBI Director Magtanggol Gatdula at nakahanda umano ang kanyang mga tauhan na humingi ng paumanhin sa harap ng publiko.

Sa kanyang pagharap sa konseho ng lungsod, hiningi rin ni Espeleta ang suporta ng kasamahang konsehal at sinabi na kung nagagawa ng NBI sa Metro Manila ang marahas at palpak na pagsalakay, hindi malayong mangyari ito sa iba pang rehiyon sa bansa.

Tiniyak naman ni Muntinlupa Mayor Aldrin San Pedro na susuportahan niya kung ano man ang maging desisyon ng Sangguniang Panlungsod at umaasa siya na magsisilbing aral ito sa NBI agents para pag-aralan munang mabuti ang pagpapatupad ng batas bago sila manakit ng kapwa. Johnny F. Arasga

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply