Pamilya ng US interpreter na pinaslang, nanawagan ng hustisya

NAGLUNSAD ng kilos protesta sa labas ng Campo Ranao, Marawi City ang pamilya Cardeno kasama ang grupong Patriotiko Mindanao bilang paggunita sa anibersaryo ng pagkamatay ni Gregan Cardeno.

Si Gregan ay nagtrabaho bilang interpreter at natagpuang wala ng buhay sa loob ng baraks ng mga Amerikanong sundalo.

Maliban sa mga sugat sa leeg ni Gregan, natagpuan din ang mga pasa sa ulo at sugat sa katawan ng biktima. Naniniwala ang pamilya Cardeno at ang Patriotiko Mindanao na si Gregan ay biktima ng pang-aabuso ng mga Amerikanong Sundalo na nakasama niya sa Campo.

Dismayado ang pamilya Cardeno dahil isang taon na ang nakalipas ay hindi pa rin umuusad ang imbestigasyon at hindi pa rin nakakamit ang katarungan para kay Gregan. Maliban dito, nakaranas din ng harassment ang pamilya at pinaslang ang sundalong si Maj. Javier Ignacio dahil sa pagtulong sa imbestigasyon ng kaso.

“Nananawagan kami kay Pangulong Aquino na paimbestigahan ang pagkamatay ng asawa ko, hindi kami matatahimik hanggat hindi nagiging malinaw ang nangyari sa asawa ko at hanggat hindi namin nakakamit ang katarungan”, ayon kay Myrna Cardeno, asawa ng biktima.

Ayon naman kay Bai Ali Indayla, Convenor ng Patriotiko Mindanao, dapat ay ibasura na ang Viiting Forces Agreement at palayasin na sa bansa ang mga Amerikanong Sundalo. “Hanggat nananatili sila sa ating bayan,darami pa ang magiging biktima ng pang-aabuso ng mga Amerikanong Sundalo, ang masaklap ay hindi naman sila napaparusahan”.

Nanawagan ang  grupong  Patriotiko Mindanao kay Pangulong Aquino na “kung ang mamamayan ang totoong boss ni PNoy, pakikinggan nya ang panawagan ng pamilya ni Gregan at sisiguraduhin niyang mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Gregan. Patunayan niyang hindi kano ang boss niya”.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply