Pamumudmod ng pera ni Reyes saksi ang media

SAKSI ang media sa pag-uutos ni yumaong dating Armed Forces chief Angelo Reyes kay retired Lt. Col. George Rabusa na abutan ng malalaking halaga ang mga opisyal na namumuno sa mga tropang lumalaban sa mga rebelde.

Ibinulgar ng isang mamamahayag, na umano’y eyewitness sa mga ganitong pagkakataon, na karaniwang eksena ang may dala si Rabusa, ang whistleblower sa mga pagdinig sa Kongreso ukol sa umano’y anomalya sa pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na malaking bag kung saan nakalagay ang malaking halaga ng cash na pinamumudmod sa mga tropa.

“Si George (Rabusa) talaga ang bagman. Alam niya na alam namin (media) ang ganyang kalakaran,” ayon sa source na tumangging ibulgar ang kanyang pagkakilanlan.

Ayon sa mamamahayag, nakagawian na ng pamunuan ng AFP na magsama ng mga miyembro ng media tuwing magkakaroon ng troop visitation sa iba’t ibang lugar sa bansa upang mag-cover.

“Nandoon kami,” anito. “Sa harap-harapan namin ay inuutusan ni Angie (Reyes) si George na bigyan ng partikular na halaga ang kumander ng isang tropa, depende sa pangangailangan.”

Ipinaliwanag ng source na ang pondong pinanggagalingan ng halagang ibinibigay ng mga AFP chief sa field troops ay ang provision for command-directed activities o PCDA.

Aniya, walang item na ganito sa opisyal na badyet ng AFP at hindi ito ino-audit.

Matatandaang isiniwalat ni Rabusa sa hearing sa Senado ukol sa umano’y malawakang katiwalian sa militar na may P10-milyon buwan-buwang badyet ang mga hepe ng AFP.

Hindi umano naramdaman ng mga mamamahayag na nagko-cover ng mga lakad na ito na itinatago ni Reyes ang pamumudmod ng pera sa mga sundalo sa field.

“Parang ‘open secret’ na ‘yun,” aniya.

Sinabi ng source na nasaksihan ng mga taga-media ang matinding pangangailangan ng mga sundalo sa field.

“Kahit nga pagkain kulang sila,” aniya. “Naiisip nga namin, ‘Paano naman mananalo ang mga sundalo ng gobyerno laban sa insurgents kung walang lakas ang katawan nila?’”

Anito, walang pagkakataong hindi humihingi ng pandagdag na pondo ang mga field commander na pinapasyalan ni Reyes.

“Isipin mo kung wala man lang iiwang pera ang AFP chief sa tropa. Siguro pagtalikod niya, mumurahin siya ng mga sundalo,” ayon sa source.  Fort Nicolas

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply