Panadero umalma sa droga sa tinapay

MATAPOS ibulgar ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na gumagamit ang ilang bakeshop ng poppy seeds sa kanilang tinapay, agad itong itinanggi ng samahan ng mga panadero.

Nilinaw ni Philippine Baking Industry Group President Simplicio Umali Jr., na hindi nila hinahaluan ang kanilang tinapay ng naturang sangkap na ginagamit rin sa produksyon ng bawal na gamot na opium.

Ang poppy seed na inihahalo sa harina ay sinasabing lalong nagpapasarap at nagpapalasa sa tinapay na sa oras na makakain nito bagama’t walang negatibong epekto ay posible itong magdulot ng “false positive” sakaling magpadrug test.

Kasabay nito ay isinusulong ni Sotto ang imbestigasyon sa paghahalo ng mga ganitong sangkap lalo na’t malinaw na nakalusot ang naturang pagkain sa pagsusuri ng Food and Drugs Administration.

Hindi kasama sa drogang ipinagbabawal ng Republic Act 9165 ang poppy seeds.

Napag-alaman ng Philippine Drugs Enforcement Agency na may isang grocery sa Quezon City ang nagbebenta ng poppy seeds at makalipas idaan sa laboratory tests ay naging opium poppy plants.

Walang ban sa poppy seeds – FDA

Nilinaw ng Food and Drug Administration na wala pang ban laban sa paggamit ng pinatuyong ‘poppy seeds’ sa Pilipinas.

Ang paglilinaw ay ginawa ni FDA Director Suzette Lazo, kasunod ng naunang babala ni Senator Sotto na ang mga taong nakakain ng ‘poppy seeds’ ay magpo-positibo sa ‘opium’ kapag isinailalim sa drug test.

Sa kanyang privilege speech sa senado ay iginiit ng senador na dapat nang magpatupad ng ban ang pamahalaan sa pagbebenta ng poppy seeds dahil alinsunod sa Comprehensive Drug Act of 2002, kasama sa sinasabing iligal ang lahat ng uri at species ng opium poppy o kahit anong parte o substances na manggagaling rito, kasama ang mga buto.

Babala pa ng senador, hindi maituturing na “harmless” ang poppy seeds, na kalimitang ginagamit sa paggawa ng cake at iba pang pastry products dahil base sa ulat ng Dangerous Drugs Board ang nakakakain nito ay magpopositibo sa opium.

Maraming bansa na rin ang gumagamit at nagbebenta nito, dahil lumitaw sa mga laboratory tests na hindi ito nagtataglay ng kahit anong “addictive component.”

Lahat ng bahagi ng “opium poppy plant” ay ang buto nito ang pinakaligtas dahil kumpara sa ibang bahagi ng halaman ay hindi ito nagtataglay ng kahit anong narcotics substance. “Dried na iyan. Wala nang narcotics substance so hindi na siya addictive. So, safety-wise, hindi siya ganun kapeligroso,” ani Lazo. Nenet Villafania at Kyle Gatus

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply