Panibagong panganay

ANG sabi ng pastor namin kahapon (oo naman, nagsisimba naman ako), ang Israel daw ay isang bayan ng mga “bagong pagsisimula.”

Nagsimula pa ito kay Abraham, ama ng nasabing bansa. Napakatanda na ni Israel at gayundin ang asawang si Sara (tiyak na nag-menopause na) kaya’t imposible nang magkaanak.

Pero akalain mo’t kahanga-hangang nakaisa pa rin ang matandang Abraham, at ipinanganak nga si Isaac. Iba na ang matulis. Bakit ko naman hindi masasabi ‘yan eh una na siyang nagkaanak kay Hagar, umano’y kasambahay ng kanyang tahanan. Si Ismael ang unang panganay ni Abraham.

Si Ismael ang ninuno ni Mohammad, ang nagpasimula ng Islam. Opo, sa iisang tao nag-ugat ang tatlong pangunahing relihiyon ng mundo—Hudaismo, Kristiyanismo at Islam—at ito ay si Abraham.

Pero naliligaw na tayo sa talagang kwento. Nang magkaanak si Abraham sa totoong asawang si Sara, ito ay panibagong paninimula para kay Abraham.

Nang mapadpad sa Ehipto ang mga Israelita, naging alipin sila ngunit inilibas sila ni Moses mula Ehipto (natatandaan ninyo ang eksena sa pelikulang Ten Commandments kung saan nahati ang dagat at tumawid ang mga Israelita? Parang ganun!) patungo sa Lupang Pangako. Panibagong simula uli ‘yun.

Matapos ang matagal na panahon ay sapilitan silang in-exile sa Babilonia. Matapos ang 50 taon ay nakabalik naman sila sa Jerusalem at itinayong muli ang nasirang pader ng dakilang siyudad. Panibagong simula uli ‘yun.

Tama si pastor, kaya naisip ko, ang Israel pala ay parang Pilipinas din. Maraming “bagong pagsisimula.” Nang mapatalsik ang mga kolonyalistang Kastila noong pagtatapos ng ika-19 na siglo, panibagong simula ng ating bansa ‘yun.

Kaso di man lang tayo binigyan ng mga Amerikano ng pagkakataong magdiwang ng kalayaan at sinakop agad tayo. Bagong pagsisimula uli ‘yun.

Tapos, dumating ang panahon ng Hapon noong unang bahagi ng 1940s. Panibago uli. Tapos nasipa sila palabas ng bansa. Simula uli.

Tapos noong dekada sitenta, pinamahalaan tayo ng diktadurya ni nasirang Pangulong Ferdinand E. Marcos, na pinalayas ng People Power. Panimula uli para sa bansa sa pangunguna ng kauna-unahang babaing presidente ng bansa—si Tita Cory Aquino.

Noong isang taon, sinabi ng bagong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, anak ni Tita Cory, na magsisimula uli kasi ipagbabawal na niya ang “wang-wang.” Simula uli.

Sa totoo lang, nakakapagod na ang puro simula. Hindi ba pwede magtapos naman tayo kahit minsan?

Tulad ko, nagsisimula na naman ng bagong set ng responsibilidad sa trabaho. Ang pinamahalaan nating Remate Tonight kasi ay namahinga sumandali. Itinalaga ang inyong lingkod na pamahalaan ang online news site ng dyaryong ito, ang www.remate.ph.

Napansin naman siguro ng mga mambabasa ng pahayagang ito ang pagdaragdag ng apat na pahina. Sa apat, dalawang pahina, na ang tawag ay “Remate Expose,” ang hawak ng inyong lingkod.

Bagong pagsisimula uli. Na naman.

Pero hindi ako nagrereklamo, ha? Peks man!

Exciting din naman ang magsimula, ang makita ang maipananak at lumaki dahan-dahan ang iyong panganay.

Matrabaho nga lang. Mahirap manganay, lalo na kung madalas.-Fort Nicolas

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply