Paniningil ng parking fee tutuldukan na

BAWAL na ang paniningil ng parking fees sa hotels, malls at iba pang pampublikong lugar.

Ito ang nakapaloob sa panukalang batas na inihain ni Marikina Rep. Marcelino Teodoro dahil tila nagsasamantala na aniya ang maraming hotel o mall sa paniningil ng labis na parking fee gayung mga parokyano naman nila ang pumaparada roon.

Bagama’t malaking potensyal aniya upang pagkakitaan o negosyo ang pagpapataw ng parking fee, kaakibat naman nito aniya ang problemang maraming may-ari ng malls at hotel maging ng mga pampublikong lugar na  naniningil ng labis subalit walang katiyakan na ligtas ang kanilang mga sasakyan.

Nakadidismaya aniya na ang management ng commercial centers at shopping mall ay umiiwas sa pananagutan kapag nagkakaroon na ng nakawan o pagkawala sa alinmang gamit ng may-ari ng sasakyan.

Binigyang diin ni Teodoro na dapat nang mapigil ang mga ganitong pagkukunwari na tila nagmamalasakit sa kanilang customer subalit hindi naman pinananagutan kapag may nagkakawalaan.

Nakapaloob sa panukala na ang sinumang may-ari ng shopping malls, hotels at katulad na negosyo ay mahigpit na pagbabawalan sa paniningil ng parking fee sa kanilang mga kustomer.

Multang hindi bababa sa P500,000 ang ipatataw o pagkabilanggo sa sinumang lalabag dito.

Nakasaad pa na walang building permit ang iisyu sa konstruksyon ng business at commercial establishments kabilang ang mga parking spaces hangga’t hindi nakapagsusumite ng affidavit ang may-ari na hindi ito maniningil ng parking fee. Meliza Maluntag

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply