Parañaque tutol sa plastic ban

HINDI susunod ang lokal na pamahalaan ng Parañaque City sa halimbawa ng Muntinlupa City na nagpasa ng ordinansa na nag-uutos ng “total ban” sa paggamit ng plastic at styrofoam sa mga negosyo at kalakalan.

Nauna rito ay nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na gayahin ang ginawa ng Lungsod ng Muntinlupa.

Sinabi ni Mayor Florencio Bernabe sa forum ng Association of Information Officers of Metro Manila (AIMM) Biyernes na puro negatibong reaksyon ang kaniyang natanggap buhat sa mga “consumers at producers” sa kanilang lungsod.

Aniya, nangangamba ang mga ito na malamang mapilayan ang industriya at komersyo kung ipagbabawal ang paggamit ng plastik.

Sinabi ni Bernabe na magandang hakbang ang ginawa ng lungsod ng Muntinlupa sa pagpapatupad ng plastic ban, na inendorso naman ng MMDA at ng grupong EcoWaste Coalition, ngunit hindi umano ito aplikable sa Parañaque.

Mas palalakasin na lamang umano ng kanilang pamahalaan ang programa sa segregasyon, plastic recycling at information campaign para madisiplina ang mga residente ng siyudad sa walang disiplinang pagtatapon ng basura.

Kasalukuyang binubuo na umano ng Sangguniang Panglungsod ang isang ordinansa na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga walang habas magtapon ng basura upang mas maturuan ang mga lumalabag ng mabigat na leksyon. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply