Parusa ng Kamara kay Singson posibleng lutuin

SUSPENSYON din lang at hindi “expulsion” o pagsibak sa Kongreso ang pinangangambahang parusa na igagawad kay Ilocos Sur Rep. Ronald Singson na ngayo’y nakakulong na sa isang piitan sa Hong Kong matapos patawan ng parusang 18-buwang pagkakulong makaraang umaming nagkasala sa kasong possession of  prohibited drug substance.

Ito ang nakikitang senaryo ng ilang partylist representatives na duda sa ipinalalabas  na paliwanag ng ilan nilang mga kasamahan sa Kamara kaugnay sa kaso ni Rep. Singson.

Sinasabi ng ilang kongresista na hindi sapat na dahilan ang drug conviction ni Singson sa HK upang sibakin ito bilang miyembro ng Kamara.

Kinakailangan pa raw pag-aralan mabuti ng House ethics committee ang desisyon ng HK court laban kay Singson bago nila timbangin kung ano ang nararapat na parusang igagawad laban sa aminadong drug-addict na mambabatas.

Ibig sabihin, nakasalalay sa mga miyembro ng House ethics committee, na pinangunguhan ni Bohol Rep. Erico Aumentado, ang mundo bilang mambabatas ni Singson.

Sila lang ang pupuwedeng kausapin sakaling magpadala ng emisaryo ang partido ng kontrobersiyal na congressman na lulong sa bawal na gamot.

Paliwanag ng aking mga source sa Kongreso, depende kina Rep. Aumentado kung paano nila isasagawa ang proceedings sa pagdinig ng kaso ni Singson. Puwede rin daw nilang mani-obrahin o patagalin habang binubuno ni Singson ang kanyang sentensiya sa Hong Kong.

Pero ang masakit nito, puwede rin daw magkaroon ng “drawingan” sa kaso ni Singson.

Sa kabila ng tindi ng kahihiyaan na isinampal nito hindi lang sa kredibilidad at integridad ng Kongreso kundi maging sa buong Pilipino.

May nakapagsabi na sa akin na ngayon pa lang ay may kumakausap na sa komite ni Rep. Aumentado.

Bantayan natin ang kasong ito na nakatakdang magkaroon ng pagdinig muli sa susunod na linggo!

* * * * * * * *
Balitang-balita din sa Kamara na hindi lang si Singson ang natatanging kongresista na gumagamit ng iligal na droga.

May ilan pa rin daw sa hanay ng mga honorable congressmen ang talamak sa cocaine at maging sa “shabu.”

Katulad na lang daw nitong si kongresman na nagmula pa sa lalawigan ng Kabisayaan. Madalas raw na dilat na dilat ang mata ni “Cong” sa tuwing
dumarating ito sa kanyang tanggapan.

Kawawa naman ang ating bansa kung pamumunuan tayo ng mga “drug-addict” na mambabatas. Baka kung saan na lang pulutin ang mga mahahalagang resolusyon sa Kongreso dahil pinagtri-tripan lang ng mga ito!

Kaya’t para sa akin, bakit hindi gawing batas ang pagsasa-ilalim sa drug test sa lahat ng ating mga mambabatas at nais mamuno dito sa ating pamahalaan?

Katulad sa mga driver nais kumuha ng lisensiya, hindi ba’t mandatory ang drug testing?

* * * * * * * *

FROZEN GALUNGGONG, LAGANAP DIN SA REGIONS 1, 2

HINDI lang daw sa Metro Manila laganap ang bentahan ng tone-toneladang smuggled frozen galunggong. Maging sa mga pamilihang-bayan daw sa mga lalawigan daw ng Isabela at Cagayan ay nagkalat din.

Labis din daw naapektuhan ang mga mangingisda ng galunggong sa kanilang lugar dahil mas mababa raw ang bentahan ng frozen galunggong kumpara sa mga sariwa.

Kung maraming frozen galunggong  sa Isabela at Cagayan, ibig sabihin ay hindi lang sa Port of Manila pinararating ang mga ito kundi maging sa Port Irene.

Sa Port of Manila ay mahigit sa 20 container vans ng frozen galunggong ang dumarating kada linggo. Deklarado bilang pangunahing sangkap sa mass production ng sardinas ang naturang mga galunggong nguni’t itinatakbo ang mga ito sa mga palengke para ibenta.

Inaasahang magpro-protesta ang maraming fishing cooperatives sa bansa laban sa iligal na gawaing ito.

Dating malapit na opisyal ni Gloria Arroyo at isang heneral ng PNP na director ng isang district police headquarters sa Metro Manila ang mga utak ng smuggled frozen galunggong!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!-Boyet Munar

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply