People power ng mga kawatan

SA araw na ito ang simula ng tatlong araw na paggunita sa makasaysayang People Power sa repablik ni Juan na naganap noong 1986.

Parang kailan lamang iyon.

Habang nagtitipon-tipon sa EDSA ang milyong lahi ni Juan na nagpapatalsik kay Manong Ferdie sa poder, libo namang loyalista niya ang nasa Malakanyang para suportahan siya.

Noong huling gabi ni Manong Ferdie sa Malakanyang, nagsitakas ang mga loyalista at Presidential Security Group nang lusubin sila ng grupong pinangunahan ng mga militante, kabilang na ang KMU at Bayan.

Sa umaga ng Pebrero 25, lumusob na sa Malakanyang ang malalaking grupo galing sa EDSA at isa sa mga ginawa ng mga ito ang pumutol sa mga barb wire sa mga gate ng Malakanyang para gawing subenir. Nadama ni Juan ang kalayaan sa diktadurya sa pagkaalis ng mga barb wire sa Malakanyang.

oOo

Twenti payb yirs apter, ginugulantang tayo ng mga balitang hindi pala kasamang napalayas ang mga kawatan sa pamahalaan.

Tutpik lang pala ang 1.3 trilyong behest loans at iba pang ninakaw noon kumpara sa pinagnanakaw ng mga kawatan simula noong 1986 hanggang sa kasalukuyan.

Yung maraming tinyente at kapitan noon na nagpalayas kay Manong Ferdie ay naging heneral ngayon na inaakusahan ng pagkakaroon ng multi-milyong pisong  pasalubong at pabaon.

Yung Kamag-anak, Inc. na naging notoryus sa ismagling ay sinundan ng multibilyon at maaanomalyang kontrata sa planta ng kuryente, reklamasyon at LRT-MRT. Hindi nakuntento ang mga hunghang, sa ngalan ng pribatisasyon ay pinagkaperahan pa nila ang pagbebenta ng Petron,  planta at kawad ng kuryente at LRT, MRT at iba pa.

Ang EDSA pala ay kalayaan para sa mga bagong kawatan at naiwang luhaan si Juan sa kahirapan.-Rey Briones

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply