People Power sa Egypt

NAGMISTULANG eksena noong 1986 People Power sa Pilipinas nang lisanin ni Hosni Mubarak ang Egypt sa gitna ng walang tigil na protesta ng mga mamamayang sawang sawa na sa 30 taong pamamalakad ng diktador.

Muling pinatunayan sa Egypt at bago nito sa Tunisia, nang patalsikin din ang presidente nitong si Ben Ali, na hindi pa patay ang bisa ng people power  para patalsikin ang isang kinamumuhiang rehimen.

Si Mubarak ay diktador na masugid na sinuportahan ng US para panatilihin ang kanyang interes hindi lamang sa Gitnang Silangan kundi maging sa North Africa, Mediterranean region at buong mundo ng Arabo.

Matatandaang noong 1978, sa inareglo ng US na Camp David Accords sa pagitan ng Israel at Egypt, napagkasunduan na kapalit ng pag-aayos ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa, magbibigay ng ayuda ang US sa Egypt ng $2.2B kada taon.

Sa Egypt iniligay ang kauna-unahang spy satellite sa rehiyon.  Tinagurian din itong “international center for torture” matapos ang pagbomba sa twin towers sa New York at maglunsad ng kampanyang “War on Terror” ang US.  Ang mga pinaghihinalaang terorista ng US ay dinadala sa  Egypt sa pamamagitan ng mga “extraordinary rendition flights” at doon iniinteroga at tinotortyur ng mga sundalo ni Mubarak na sinanay ng US.

Tagapagbandila si Mubarak ng mga patakarang globalisasyon na isinusulong ng US sa buong mundo.  Subalit sa halip na lutasin ang kahirapan, lalung humirap ang mga Ehipto, lumaki  ang bilang ng walang trabaho, lalung tumaas ang presyo ng mga bilihin at mas di nakaagapay ang mababang minimum na sahod.

Talamak ang korupsyon sa rehimen ni Mubarak at kinamumuhian ang iba’t-ibang anyo ng paglabag sa karapatang pantao ng rehimen.  Walang pagrespeto sa mga batayang karapatan ng mga mamamayan.

Para sa mga Pilipino, hindi na rin naiiba ang mga kundisyon na nagluwal ng people power sa Egypt dahil ito rin ang parehong sitwasyon noon sa Pilipinas sa ilalim ng diktadurya ni Marcos.

Pero di lamang ang karanasan sa pagpapatalsik sa diktadura ang leksyon ng People Power sa EDSA.  Pinakita na rin ng kasaysayan matapos ang People Power, na di sapat ang pagpapatalsik lamang ng mga namumuno kung nais magkaroon ng mapagpasyang pagbabago sa lipunan.

Ang “people power” ay isang tuluy-tuloy na proseso ng pagkilos ng mamamayan para igiit ang sariling pagpapasya ng walang pangingialam ng dayuhan para makamit ang tunay na demokrasya, pang-ekonomiya at panlipunang pag-unlad at makabuluhang kapayapaan. –Liza Maza

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply