PhilCycling bubuwagin ng POC!

BALAK ng buwagin ng Philippine Olympic Committee (POC) ang Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) dahil sa lumalalang hidwaan sa liderato nito.

Ayon sa isang source, isa sa mga senyales nito ay ang ulat na isasailalim na sa pangangalaga ng komite ang mga siklista na apektado ng leadership crisis sa PhilCycling.

Hindi na umano nagugustuhan ng POC ang mga gusot sa National Sports Association (NSA) ng cycling kung saan maging ang Philippine Sports Commission (PSC) ay pikon na rin.

Binanggit ng source na suspendido na ang allowances ng national cyclists at coaches na nasa pamamahala ni PhilCycling president at Tagaytay City Mayor Abraham “Bambol” Tolentino.

“Ang lahat ng mga siklista na magagaling ay ilalagay na sa kustodya ng POC at isasabak sa Southeast Asian Games nang wala nang kapangyarihan ang liderato ng naturang NSA,” wika ng source.

“Kahit na tinatanggap ng Union Cycliste Internationale (UCI) ang liderato ni Tolentino, masama pa rin ang imahe nila kasi nakikipag-away sila sa kabilang paksiyon.”

May isang grupo din naman ng mga siklista, dagdag ng source, na nasa panig ni dating PSC chairman Philip Ella Juico kaya naguguluhan ang PSC at POC kung aling grupo ang kikilalanin.

“Ayusin muna nila ang grupo, kung ‘di sila magkakasundo, baka buwagin na lang ang Philcycling. Bubuo ng bago na walang mga sakim sa kapangyarihan,” pagsisiwalat ng source.

“Aampunin na ng POC ang mga siklista, apektado sila ng gulo sa grupo. Ayaw ng POC ng ganyan. Ang gusto ng POC ay mahubog ang mga siklista at makapagsanay nang maayos para sa interes ng bansa.”

Ipinagdiinan pa ng impormante na sa ayaw at sa hindi ng dalawang paksiyon ay pipili ang POC ng mga mahuhusay na siklista na isasama sa listahan ng mga sasabak sa Asian games.

Tiniyak din umano ng POC na ang mga mapipili ay mabibigyan ng accreditation ng international federation.

Nangangahulugan lamang, ayon sa source, na wala nang tiwala ang POC at PSC sa naturang NSA kaya nagpasyang tanggalan ng allowances para sa layuning isailalim na lamang sa kustodya ng komite ang liderato nito para sa kapakanan ng mga atleta. Gilbert Perdez

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply