PhilHealth inalmahan ang panukala ni Recto

INALMAHAN ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang panukalang batas na inihain ni Senador Ralph Recto na ibigay ang kalahati ng retained earnings ng kompanya sa Department of Health (DOH).

Sa kanyang pagdalo sa ginanap na Technical Working Group (TWG) para sa Senate Bill No. 2653, ibinala ni Evangeline Racelis, senior manager ng Treasury Department ng PhilHealth na mababangkarote ang kompanya kapag naipasa ang panukala ni Recto.

Layunin ng SB 2653 na ilipat sa operational funds ng DOH ang kalahati ng retained earnings ng PhilHealth upang gamitin ang pondo sa pagpapatayo ng health infrastructure dulot nang kakapusan ng pondo ng pamahalaan.

Ngunit, ayon kay Racelis, hindi maaaring ibigay sa DOH ang kanilang retained earnings kahit singko dahil nagsisilbi itong reserve funds para pangtustos sa pangangailangan ng miyembro sa harap ng lumolobong problema ng kompanya.

Bukod sa panukala ni Recto, nakabimbin din sa Senado ang 15 pang panukalang batas para cupang sakupin sa pangangalaga ng kompanya ang lahat ng driver ng pampublikong sasakyan tulad ng jeep, bus at taxi.

Ayon pa kay Racelis, itinutulak din ng kompanya at DOH na itaas ang ibinabayad na premium na kinakaltas sa sahod ng bawat empleado ngayon na nakapako lamang sa 2.5 porsiyento ng gross salary.

Sa susunod na TWG meeting, ipapakita ng Philhealth na hindi totoong umaabot na sa P110 bilyon ang retained earnings ng kompanya, taliwas sa paniniwala ng mga senador.

Ipinaliwanag pa ni Racelis na ang retained earnings ng Philhealth ay nakalaan para sa ‘operating expenses’ ng ahensiya sa loob ng dalawang taon.

Sa panukala ni Recto, nais nitong gawin na lamang isang taon ang ‘reserve fund ceiling’.

Nagpahayag naman ng pagdududa si Sen. Pia Cayetano, chairman ng komite, sa naging pahayag ni Racelis na wala silang P110 bilyong reserve fund.  Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply