Pinapatay na agad: Paquito Diaz buhay pa ayon kay Joko Diaz

HINDI pa man nagaganap ang katapusan ng buhay ni Paquito Diaz ay winawakasan na agad ito ng mga tao sa loob at labas ng showbiz.

Kamakailan ay inilimbag sa mga pahayagan na namatay na si Paquito at pati sa mga online news ay ipinamarali na ito.

Kaya naman naglabasan ang reaksyon ng mga taong may kaugnayan kay Diaz dahil mas alam nila ang totoo.

Hindi pa man natatapos ang araw ng paglabas ng istorya ay itinuwid na agad ni Joko Diaz, isa sa mga anak ni Tito Kits, ang maling balita.

Ani Joko, hindi  totoo na yumao na ang kanyang ama.

******

Ayon kay Zeny Marcelo-Poe, balo ni Conrad Poe at Lyn Madrigal, ang isa sa mga kasapi ng lupon ng mga direktor ng Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon o KAPPT, hindi nila alam kung patay na nga o hindi si Paquito kaya ibinigay na lang ni Zen yang telepono ni Lyn para mapag-alaman kung tunay ngang sumakabilang-buhay na ang beteranong aktor.

Sala-salabid na nga ang mga kasangkot sa isyung ito dahil si Joko ay isa sa mga miyembro rin ng lupon ng direktor ng Actors Guild kaya makapagbibigay siya ng tunay na kondisyon ng kanyang ama sa pamamagitan ni Lyn na kasama niya sa organisasyon.

Nang dahil kay Madrigal ay naikonekta niya kami kay Jean Balagtas, ang anak ng batikang action director na si Jose “Kaka” Balagtas na siyang sekretarya ng KAPPT.

Ayon kay Jean, may nakausap siyang mga taga-Actors Guild na nagsabing hindi totoong namatay na si Kits.

*****

“Nagkausap po kami ni Joko just a while ago, siya mismo ang nagsabi na hindi namatay ang kanyang ama,” pagtatapat ni Balagtas. Buhay na buhay pa si Paquito Diaz.

Siya ang regular na nakikipagtalamitam sa mas batang Diaz para malaman ang mga pinakahuling nagaganap sa pamilya ng beteranong kontrabida ng pelikulang Filipino.

“Talaga pong lahat sa Actors Guild ay nagsasabing buhay na buhay pa si Tito Kits,” wika pa ni Jean.

Kaya nga pinanuto ni Balagtas ang damdamin ng mga tao sa loob at labas ng showbiz na buhay pa si Paquito.

Matagal ding nakasara ang cell phone ni Joko kaya nagkasya na lang ang marami sa opisyal na pahayag ni Balagtas.

*****

Nasa Bicol pa rin ang matandang Diaz at nakaratay sa banig ng karamdaman sa Estevez Memorial Hospital sa Legazpi City sa Lalawigan ng Albay.

Isinugod kamakailan si Kits sa pagamutan para makapagpahinga at matingnan nang husto ng mga doktor ang kanyang sitwasyong pangkalusugan.

At dahil nga may tenga ang lupa, nanganganak ang balita, kung anik-anik ang mga nalilikhang ulat.

Nasa Albay din si Joko para tutukan ang kanyang ama at maalagaan ito nang husto.

*****
Gian Magdangal laging ‘ngarag’— Sheree


HINDI na maabot si Gian Magdangal sa kanyang paglabas sa entablado kabilang ang “Rent” sa RCBC Carlos P. Romulo Auditorium at “Kaos” sa Resorts World naman.

Para ngang palos sa bilis si Gian sa pagpaparoon at parito sa Makati City at Pasay City para sa halos araw-araw na pagganap sa dalawang magkasabay na musical.

Ayon nga sa kasintahan ni Magdangal na si Sheree, ang dating kasapi ng Viva Hot Babes, “ngarag lagi si Gian.”

Pero dahil sa pagmamahal ni Gian sa pamilya, kay Sheree at sa kanilang anak na si Harley, tatawirin niya ang lahat ng mga bundok at dagat para sa mga ito.   Boy Villasanta

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply