Pinatalsik na mayor ng Obando, ibinalik sa pwesto

PINAL na ang kautusan ng Commission on Elections (Comelec) na mailuklok muli ang alkalde ng Obando, Bulacan, unang pinababa sa pwesto dahil sa umano’y pagiging American citizen.

Batay sa anim-pahinang en banc decision, inaprubahan ng Comelec ang motion for reconsideration na inihain ni Mayor Orencio Gabriel na humihiling na mabaligtad ang ipinalabas na resolusyon ng Comelec First Division laban sa kanya noong Nobyembre 30, 2010.

Ikinatwiran ng Comelec na nakasunod naman si Gabriel sa twin requirements na iminamandato ng RA 9225 o Dual Citizenship Retention at Re-acquisition Act of 2003, kaya kuwalipikado siya para kumandidato sa lokal na posisyon.

Sinabi pa ng poll body na hindi nila maaaring kontrahin ang nais ng mamamayan ng Obando, Bulacan, na si Gabriel ang iluklok bilang alkalde ng kanilang bayan at hindi ang kalaban noon sa eleksiyon na si Edwin Santos.

Si Gabriel ang incumbent mayor ng Obando, na tumakbo sa reelection noong May 2010 automated national and local elections.

Ipinag-utos ng poll body ang pagbaba sa puwesto ni Gabriel matapos aprubahan ang petisyon ng residenteng si Eddie Capalad na unang kumuwestiyon sa kuwalipikasyon ng alkalde sa pagtakbo sa eleksiyon dahil sa umano’y pagiging mamamayan nito ng Estados Unidos.

Ayon kay Capalad, nabigo si Gabriel na patunayang naibalik ang kanyang Filipino citizenship alinsunod sa Philippine laws, upang maging kuwalipikadong tumakbo sa eleksiyon.

Inaprubahan naman ng Comelec First Division ang petisyon ni Capalad at ipinag-utos ang pagbaba sa puwesto ni Gabriel.

Umakyat sa Comelec en banc si Gabriel at iniapela ang desisyon ng unang dibisyon ng poll body, na pinagbigyan naman matapos mapatunayang nakapagsumite si Gabriel ng konkreto at malinaw na katibayan na nakapag-oath of allegiance pa noong 2003. Kyle Gatus

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply