Ping Lacson tutugisin pa rin

MAY bisa pa rin  ang warrant of arrest laban kay Senador Panfilo Lacson hangga’t hindi pa nagiging final and executory ang desisyon ng Court of Appeals na bumabawi rito.

Ito ang nilinaw ni Justice Secretary Leila de Lima kasunod nang pagbasura ng appellate court sa double murder case na kinakaharap ng senador at pagbalewala sa warrant of arrest na ipinalabas ng Manila Regional Trial Court Branch 18 dahil sa kawalan ng sapat na basehan.

Ani de Lima, hangga’t walang categorical pronouncement na final at executory na ang pagsasaisantabi ng warrant of arrest laban kay Lacson ay may bisa pa rin ang naturang mandamiento de arresto.

“On the issue of warrant of arrest, I take the position na unless there is a categorical pronouncement that setting aside of warrant of arrest is final and executory, I don’t think it’s lifted,” ani De Lima.

Hindi pa naman umano nababasa ni De Lima ang desisyon ng CA ngunit sinabing pag-aaralan nila ang opsiyong maaari nilang gawin kabilang na ang paghahain ng motion for reconsideration laban dito o di kaya ang agad nang pag-akyat sa Korte Suprema.

Nauna rito, sa 80-pahinang resolusyon ng CA 6th Division, pinaboran ang petition for review ni Lacson na humihiling na mabasura ang kasong isinampa ng DOJ laban sa kanya sa mababang hukuman at maipawalang-bisa ang warrant of arrest na inisyu kaugnay sa kasong pagpatay sa PR man na si Bubby Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito.

Samantala, kinontra naman ng kampo ni Lacson ang iginigiit ng DOJ at ng kampo ng testigong si dating police Col. Cesar Mancao na hindi pa libre sa pag-aresto ang senador sa kaso.

Sa paliwanag ni Atty. Alex Poblador, abogado ni Lacson, kahit petition for certiorari ang kanilang inihain sa Court of Appeals ay executory na ang desisyon na ipawalang bisa ang arrest warrant.

Giit nito, kahit puwede pang maghabol o maghain ng motion for reconsideration ang kampo ng pamilya Dacer sa pagbasura ng kaso at kahit iakyat pa sa Korte Suprema ay libre na sa pag-aresto si Lacson. Mabibigat umano  ang argumentong inilatag nila sa CA kaya nabasura ito.

Wala pang binanggit ang abogado kung kelan lalantad ang kaniyang kliyente.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang pamilya Dacer sa naging desisyon ng korte sa kaso subalit hindi pa rin diumano sila nawawalan ng pag-asa na isang araw ay makakamit nila ang hustisya. Kyle Gatus/Nenet Villafania

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply