Pinoys, Indians pinakamaraming utang — Survey

HUMAHANAY na ang Pilipinas sa may pinakamaraming mamamayan na lubog sa utang sa buong mundo.

Ito ang inihayag ni 1st district Cagayan  Rep. Jack Enrile  batay sa survey ng International  Swiss  Debt Management  (ISDM) consultancy nitong nakaraang  taon.

Lumalabas na ang Pilipinas  at  India  ang  may pinakamataas  na   may kabuuang utang kung ibabatay sa indibidwal, sumunod  ang  mga Pakistani at  South  African  nationals.

Sa  survey   ng  credit  counseling and debt  management  company, lumitaw  din na  85 porsiyento  ng  mga  residente  ng  United  Arab  Emirates (UAE) ay  baon din sa utang   at  karamihan  ay  nakakulong  na.

Ayon sa  batang  Enrile, dapat  nang  kontrolin ang pag-isyu ng  credit cards ng mga  bangko upang  hindi lalong  mapahamak  ang mamamayan sa  pagkalugmok sa  utang.

Pinayuhan  din ng  mambabatas ang mga bangko na  huwag  maging  sakim  sa laki  ng ipinapataw na charges at ang  pagkuha  ng maraming  bilang  ng credit  card users na sa kalaunan  ay  sinasamantala na pagdating sa singilan.

Ikinabahala rin ng solon ang kasakiman ng ilang bangko na  kumikita ng malaki  sa  pagpapautang  dahil sa ipinapataw na mataas na interes.

Samantala, ayon sa Credit Card  Association  of  the Philippines, may  6.5 milyon cards ang nasa sirkulasyon na at hawak ng may  apat milyong  indibidwal.

Ang masaklap nito, kung  ang  may utang  ay natanggal  na  sa kani-kanilang trabaho  ay  magkakaroon pa ito ng  domino  effect lalo na  sa kanilang  garantor.

Sinabi ng mambabatas  na hindi kailangan ang bagong batas  para rito, kundi ang pagkakaroon  lamang  ng  kontrol  sa paghawak  ng  credit  card  upang  hindi  mapahamak  sa bandang  huli. Beth Aragon

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply