Plaka ng mga bus ipipinta sa bubong

INAPRUBAHAN na kahapon ng Metro Manila Council ang resolusyon na nag-aatas sa lahat ng mga bumibiyaheng bus sa Metro Manila na ipinta sa bubungan ng kanilang sasakyan ang numero ng kanilang plaka.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino, nagkaisang aprubahan ng mga alkalde sa Metro Manila na bumubuo ng konseho ang naturang resolusyon na naglalayong madaling matukoy ang mga bus na lumalabag sa trapiko at nagiging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan.

Inaapura na aniya nila ang paglalatag ng mga panuntunan at alituntunin na magiging daan sa implementasyon ng naturang programa bago nila atasan ang lahat ng kompanya ng pampublikong sasakyan na bumabaybay sa Metro Manila na ipinta sa bubungan ang kanilang plaka.

Sa oras na mailatag na ang panuntunan, ibabahagi na nila sa mga kompanya ng bus ang kopya ng resolusyon at bibigyan nila ang mga operator ng tatlong buwan upang tumalima sa pagpipinta ng plate number sa bubungan ng sasakyan.

Nagbanta si Tolentino na ang hindi tatalima sa naturang programa ay hindi nila papayagang makabiyahe sa lansangan sa Metro Manila.

Ipinaliwanag pa ng MMDA chief na malaking tulong ito sa kanilang programa dahil madali ng mahahagip ng kanilang mga close circuit television camera ang mga lumalabag sa batas trapiko at mabilis na rin silang makapagreresponde kung magkaroon ng “emergency situation.”

Makatutulong din aniya ito sa kampanya ng kapulisan laban sa kriminalidad dahil may sarili ring CCTV camera ang National Capital Regional Police Office na naka-monitor sa mga pangunahing lansangan.

Sa oras na maging matagumpay na ang programa, sinabi ni Tolentino na irerekomenda rin niya sa MMC na mapabilang rin ang mga pampasaherong jeep na maipinta rin sa bubungan ng kanilang sasakyan ang kanilang plate number. – Johnny Arasga at Amor Virata

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply