Plea deal ni Garcia babawiin na ng Ombudsman

IPINANGAKO ng Office of the Ombudsman na seryosong ikokonsidera ang mungkahi ni Sen. Franklin Drilon na bawiin ang petisyon para sa plea bargaining agreement kay dating AFP comptroller Major Gen. Carlos Garcia.

Inihayag ito ni Atty. Wendell Barreras-Sulit matapos imungkahi ni Drilon ang tatlong panukalang batas na lilikhain dulot ng imbestigasyon tulad ng batas hinggil sa alituntunin sa pagpasok sa plea bargaining agreement ng Ombudsman.

Ayon kay Sulit, mahigpit na ikokonsidera ng Office of the Special Prosecutor sa Ombudsman ang manipestasyon ni Drilon na bawiin ang plea bargaining agreement kay Garcia.

Sa kanyang mungkahi, sinabi ni Drilon na kailangan magkaroon ng pagbabago sa batas na lumikha sa Office of the Ombudsman partikular ang paghihiwalay ng kontrol sa special prosecutor.

“Dapat maging independent ang special prosecutor sa Ombudsman, not on personal level,” giit ni Drilon.

Sinabi pa ni Drilon na nakatakdang amiyendahan ng Senado ang Anti-Money Laundering Act upang magkaroon ng kapangyarihan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na suriin ang kahina-hinalang pagdeposito at pag-withdraw ng mga opisyal ng pamahalaan nang walang katibayan ng kinikita sa labas ng kanyang sahod.

Gagawa rin ng kaukulang alituntunin sa pamamagitan ng isang batas ang Senado hinggil sa pagpasok sa plea bargaining agreement ng buong makinarya ng gobyerno na sinuportahan ni Justice Secretary Leila de Lima. Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply