PNoy, Binay inupakan sa pag-ayuda sa 3 bibitayin sanang Pinoy sa China

INSULTO para sa overseas Filipino workers (OFWs) ang pagkumahog ng administrasyong Aquino na maisalba sa bitay noong Lunes at Martes ang tatlong Filipino na nahuling nagtutulak ng droga sa China.

Matapos ang ilang araw na pagtitimpi, sumabog na ang galit ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto laban sa pagpapadala ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III kay Vice-President Jejomar Binay sa Beijing nitong Biyernes, Pebrero 18, upang ipakiusap ang pagbaba sa parusang kamatayan sa tatlong Pinoy sa kasong drug trafficking.

Dahil sa pakikipag-usap ni Binay sa mga opisyal ng gobyerno at korte ng China, naipagpaliban ang pagbitay kina Sally Ordinario-Villanueva at Ramon Credo nitong Lunes, Pebrero 21 at kay Elizabeth Batain nitong Martes, Pebrero 22, pero nagresulta ito ng pagdududa na may hihinging kapalit ang Chinese government sa administrasyong Aquino.

Ayon kay Sotto, sana ay inisip ng administrasyong Aquino na madedemoralisa ang mga lehitimong OFW na umuubos ng dugo at pawis para makaipon ng pera, bago tinulungan ang tatlong Filipino na nasa death row na kumpirmado namang miyembro ng international drug syndicate

Kinampihan din siya ni Sen. Juan Miguel Zubiri na nagsabi pang bago tulungan ng gobyerno ang mga nakakulong sa China, lalo na yaong mga nasa death row, sana naman ay siniyasat muna nila kung ano ang background ng kanilang kaso.

Binigyang-diin pa ni Zubiri na dahil sa mga drug mule ang tinutulungan ngayon ng gobyerno, hindi tuloy lumalabas ang suporta ng taumbayan para sa kanila hindi katulad ng kaso ni Flor Contemplacion sa Singapore kung saan nagluksa ang sambayanan nang bitayin ito, sa kabila ng apela ng ating gobyerno. Ernie Reyes

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply