PNoy rumesbak kay Bongbong

NIRESBAKAN ni Pangulong Benigno  Aquino III ang patutsada ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na kung nagpatuloy lamang ang administrasyon ng kanyang namayapang ama ay  baka naging Singapore na ang Pilipinas.

Sa naging talumpati ng Pangulong Aquino sa EDSA People Power awards sa Malakanyang kahapon ay  sinabi nito na hindi malayong matulad ang Pilipinas sa Libya kung hindi nagkaroon ng EDSA People Power revolution.

Para sa Chief Executive, imposibleng magiging Singapore ang Pilipinas kung hanggang ngayon ay nananaig ang rehimeng Marcos. “I do not think we could have become a Singapore had we stay the course with Marcos… We were far from becoming a Singapore. Were it not for EDSA we probably could have become another Libya,” ayon  sa Pangulo na ang malinaw na pinatutungkulan ay si Sen. Marcos kahit hindi nito direktang binanggit ang pangalan ng senador.
Ayaw umano nitong  buksan ang mga sugat ng nakaraan subalit tungkulin niyang ituwid ang nararapat lamang.

“Some have even dare to say that maybe one man rule was not such a bad idea. Never mind the oppression, and never mind the lack of liberties. By now some say we could already have become another Singapore. The some is just one,” ang pahayag  pa nito.

Binigyang diin nito na kung hindi nakakawala ang sambayanang Pilipino sa diktaduryang Marcos ay malabong matamasa ng media ang malayang  pamamahayag  at respetong inaani ng Pilipinas sa international community.
Pagpapakita lamang aniya ito na mas mabuti na ang sitwasyon ng bansa ngayon kumpara sa mga nakalipas na pamamahala.

At para aniya patunayan ang malaking pagbabago ay  sinabi nito na makakabuting itanong muna  sa ilang personalidad kung ano na ang mga pagbabago at naranasan nila noong panahon ng martial law.

Ang patutsadahang ito ay sa gitna rin ng panawagan ng pamilya Marcos na ilibing na sa Libingan ng mga Bayani si dating pangulong Ferdinand Marcos na naglingkod nang matagal sa bansa.

Iginigiit ni Sen. Bongbong na naging magaling na sundalo namanang kanyang ama at maraming nagawa sa matagal na paglilingkod bilang pangulo kaya nararapat siyang ilibing sa Libingan ng mga Bayani.

Ang usapin ay ipinabahala na ni PNoy kay Vice President Jejomar Binay.- Kris Jose

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply