PNP handa sa ‘pabaon’ probe

INIHAYAG ng pamunuan ng Philippine National Police na nakahanda sila sa balak na imbestigasyon kaugnay sa umano’y ‘pabaon system’ din sa kanilang hanay maliban sa Hukbong Sandatahang Lakas.

Ayon kay PNP chief Gen. Raul Bacalzo, inatasan na nito ang kanyang comptroller at finance auditor na ihanda ang mga financial report na kailangang isumite sa Kongreso.

Iniutos rin ni Bacalzo na  isapubliko ang naturang financial report upang malinawan lalo na ang sistema ng paggastos ng ahensya sa kanilang pondo.

Dagdag pa ni Bacalzo na wala siyang tinanggap na ‘pasalubong’ nang maupo siya bilang hepe ng kapulisan.

Kamakalawa ay ibinunyag ng nagtatagong si Senador Panfilo Lacson na hindi lang sa AFP may pabaon o pasalubong, mayroon din umano ang  matataas na opisyal ng PNP.

Ibinunyag ni Lacson sa pamamagitan ng e-mail na hindi bababa sa P40-milyon ang natatanggap na pabaon ng hepe ng pulisya at may card pa na mataas ang credit limit bukod pa ang alokasyon ng gas allowance.

Nanindigan naman si PNP spokesman Chief Superintendent Agrimero Cruz na nagagamit ang pondo ng PNP alinsunod sa pinaglaanan nito.

Binigyang-diin ni Cruz na walang pabaon o anumang special o personal fund na nagaganap sa kanilang hanay.

Ang pagkaladkad sa imahe ng PNP ay kasunod ng sumingaw na malawakang katiwalian sa pondo ng AFP tulad ng ‘pasalubong at pabaon system’.

Sa panig naman ng Malakanyang, suportado nito ang balak ng Senado na busisiin ang nasabi ring katiwalian sa PNP.

Dedma lang naman si Senador Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee sa naging panawagan ni Lacson na isama sa iniimbestigahang korapsiyon sa AFP ang anomalya din sa paggamit ng pondo ng PNP.

Binigyang diin ni Guingona na kailangang maghain muna ng resolusyon sa Senado upang maimbestigahan ang rebelasyon ni Lacson.

Gayundin, kahit na may maghain ng resolusyon hinggil dito, sinabi ni Guingona na hindi niya ito ihahalo sa imbestigasyon nila sa kontrobersyal na plea bargain agreement ni dating AFP Comptroller Maj. Gen. Carlos Garcia at sa pabaon, pasalubong at payola system ng AFP.

Magugulo umano ang imbestigasyon nila sa korapsyon sa AFP kung ihahalo ang isyu ng PNP kaya mas makabubuting tapusin muna nila ang kanilang naumpisahan bago tumalon sa pasabog ni Lacson.

Nagpahayag din ng pag-dududa si Guingona na may kahahantungan ang imbestigasyon sa payola scandal sa PNP kung hindi naman lalantad si Lacson upang tumestigo sa naging kalakaran noong siya ay nagsilbing PNP chief noong 1999 hanggang 2001.

“That would be a problem,”sambit ng senador. Evelyn Garcia/Vicky Cervales

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply