Pondo ng PHL athletes, iniipit ng PSC

NABUNYAG kahapon na naliliitan umano ang ilang atleta ng national team sa kanilang monthly allowance kaya nawawalan na ng gana ang mga ito na mag-ensayo.

Ayon sa mga sources, kung minsan pa umano ay nade-delay ang panggastos ng mga atleta mula sa Philippine Sports Commission (PSC).

Mas binibigyan umano ng pansin, ayon sa isang source, ang elite category na sa tuwing nagre-request ng pondo ay agad na nagluluwal ang ahensya.

“Yung mga maliliit na uri ng atleta ay laging naiipit ang pondo, silang mga elite ay mabilis nakakakuha,” pagbubunyag ng source.

“Kaya tinatamad silang mag-ensayo lalo na ang mga manlalarong walang-wala talaga.”

Kaya naman, wala pa rin umano sa ayos ngayon ang national training dahilan na rin sa kakulangan ng pondo na maging ang PSC ay hindi malaman kung ano ang gagawin o kung paano reresolbahin.

Kabilang sa mga itinuturong dahilan kung bakit nasasaid ang pondo ng ahensya ay dahil umano sa talamak pa ring korapsiyon sa Philippine sports at sa sobrang dami na rin ng NSAs na humihingi ng suportang pinansiyal.

Hindi lamang umano ang ilang PSC officials ang sangkot dito kung hindi maging ang mga nasa hanay ng national sports associations (NSAs).

“Kaya iniipit din ng PSC accounting department ang payroll ng ilang NSAs dahil hindi nila maayos ang kanilang training. Luwal nang luwal ang PSC pero walang resulta ang pagsasanay nila,” wika ng isang source sa panayam ng Remate Sports.

“May mga NSAs din na hindi maayos ang training at ito ang dahilan kaya nagdududa rin ang PSC, bagay na nagiging dahilan din kaya naiipit ang pondo nila. May mga sangkot na opisyal ng ilang organisasyon sa korapsiyon.”

Natuklasan din ng Remate na ang monthly stipend ay noon pang nakaraang taon aprubado dapat ng PSC para sa mga atleta sa ilalim ng liderato ni dating chairman Harry Angping at nakapagtatakang hanggang ngayon ay hindi ito maipaluwal nang tuloy-tuloy, ayon sa source.

Samantala, nadiskubre naman na batay sa bagong polisiya ng PSC, paghahati-hatiin dapat ang pondo sa mga napapabilang sa tinatawag na “elite group” na tatanggap dapat ng P20,000 kada buwan.

Ang mga nasa ilalim naman ng ordinary group ay tumatanggap dapat ng P6,000 hanggang P8,000 kada buwan.

Mistulang nagseselos naman ang ilang national pool members kina bowler Biboy Rivera, dating World Cup champion, at netters Cecil Mamiit at Treat Huey dahil kabilang sila sa elite group at tumatanggap umano ng tig-dalawampung libo kada buwan para sa international exposure ng mga nasabing atleta. Gilbert Perdez

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply