Powers ng Ombudsman, kakapunin ni Drilon

KAKAPUNIN ng Senado ang “sobrang” kapangyarihan ni Ombudsman Merceditas Gutierrez, partikular ang paghihiwalay sa kontrol at superbisyon ng Ofice of the Special Prosecutor na nagagamit sa maling pamamaraan tulad ng plea bargaining agreement.

Inihayag ni Sen. Franklin Drilon na kailangan nang amyendahan ang Ombudsman Act of 1989 upang sumang-ayon sa panahon at palakasin ang kapangyarihan ng Estado na habulin ang nagnanakaw at nangungulimbat sa kaban ng bayan.

“Kailangan nang tanggalin sa Ombudsman ang kapangyarihan lumitis o power to prosecute dahil walang ganitong probisyon sa Saligang Batas kundi mag-imbestiga lamang ang tanggapan sa impropriety ng mga opisyal at kawani ng gobyerno,” giit ni Drilon.

Ani Drilon, nagkaroon lamang ng ganitong kapangyarihan ang Ombudsman nang maisabatas ang Republic Act 6770 o ang Ombudsman Act of 1989.

Ikakarga ni Drilon ang panukala sa magiging rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III sa oras na matapos ang imbestigasyon sa kontrobersyal na plea bargain agreement ng Ombudsman at ni dating military comptroller retired Major Gen. Carlos Garcia.

“We would present to the committee a proposal that the special prosecutor be made independent of the Ombudsman so that they can decide on their own,” wika ni Drilon.

Nilinaw naman ni Drilon na hindi niya pinepersonal si Ombudsman Gutierrez kundi nais lang niyang ayusin ang nabubulok na sistema ng hustisya sa bansa.

“I’m not talking about personalities, I am talking about the institutions because, to me, this is what the Constitution intended,” katuwiran ng senador.

Bukod sa pagkatay ng kapangyarihan ng Ombudsman, itutulak din ni Drilon na magkaroon ng regulasyon sa pagpasok sa plea bargain agreement upang hindi na maulit ang pinasok na kasunduan ng Ombudsman kay Garcia.

Ipapa-amyenda rin ni Drilon ang anti-money laundering act dahil sa kanyang paniniwala na naging inutil ang batas sa paghahanap at pagharang ng laundered money. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply