‘Prayer power’ sa bibitaying 3 OFWs sa China ipinanawagan

NANAWAGAN si Senador Manny Villar sa mga Pilipino na isama sa panalangin ang kaligtasan ng tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na nakatakdang bitayin sa China sa Lunes dahil sa kasong drug trafficking.

Umaasa ang senador na sa pamamagitan ng pagdarasal ay magkaroon ng himala at makumbinsi ang pamahalaan ng China na maibaba ang hatol na bitay sa habambuhay na pagkabilanggo sa tatlong Pilipino na hinatulan na ng kamatayan ng pinakamataas na korte sa China.

Bagaman nagpahayag ang isang opisyal ng Department of Foreign Affairs na mahirap nang mabaliktad ang hatol sa tatlong Pinoy, nanawagan pa rin si Villar sa mga pinuno ng ahensiya na gawin ang lahat ng paraan para maisalba ang buhay ng mga nabanggit.

Ikinagalak din ni Villar ang pagpunta ni Vice President Jejomar Binay sa China para personal na umapela sa presidente ng Supreme People’s Court of China.

Sinabi ni Villar na ang mga nasa likod ng sindikato ang dapat hulihin at patawan ng pinakamabigat na parusa dahil sa ginagawang pagsasamantala sa mga Pilipino na nais lamang kumita para sa kanilang pamilya.

Sakaling ituloy ang pagbitay sa tatlong Pilipino sa China, sinabi ni Villar na mababahiran ng kalungkutan ang nakatakdang paggunita ng bansa sa ika-25 taong anibersaryo ng unang Edsa People Power revolution.

Bukod sa tatlong Pinoy, may dalawa pang OFWs na nakatakda ring bitayin sa Pebrero 21 sa Xiamen dahil din sa kasong drug trafficking. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply