Preliminary investigation vs Dominguez itutuloy sa Biyernes

IPAGPAPATULOY ng Quezon City Prosecutors Office (QCPO) ang pagsasagawa ng paunang imbestigasyon laban kay diumano’y carjack syndicate leader Raymond Dominguez sa darating na Biyernes, Pebrero 4, 2011.

Ito ang napagkasunduan sa isinagawang preliminary investigation kanina, Miyerkules ng umaga matapos hindi makadalo si Dominguez at ang abogado niyang si Joey Cruz.

Si Dominguez ay nasangkot sa pagpaslang sa car dealer na si Venson Evangelista nang ibulgar ng suspek na si Alfred Mendiola, may kinalaman ang hinihinalang carjack syndicate leader sa naturang krimen.

Ayon sa abogado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Atty. Virgilio Pablico, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng piskal sa Biyernes, magsusumite sila ng karagdagang supplemental affidavit sapagkat may ipriprisinta silang karagdagang testigo.

Matatandaang sa unang araw ng preliminary investigation ni Assistant City Prosecutor (ACP) Jaime Villanueva, iginiit ng kampo ni Dominguez na dapat lamang maibasura ang kanyang kaso dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.

Isinampa ng maybahay ni Evangelista na si Mary Grace S. Evangelista ang kaso laban kay Dominguez at sa iba pang pinaghihinalaang sangkot sa kaso.

Ayon pa sa 13 pahina na isinumiteng counter-affidavit ni Dominguez, imposible umanong magkaroon siya ng partisipasyon sa pagpatay kay Evangelista sapagkat nasa Malolos City, Bulacan sila nang mangyari ang krimen.

Idinagdag pa ng kampo ni Dominguez na wala siya at ang kapatid na si Roger sa mismong lugar kung saan nailatag ang plano at naisagawa ang krimen.

Sinabi pa ng kampo ng akusado na hindi naaayon sa batas ang pagkakaaresto sa kanya, maging kina Alfred Mendiola at Ferdinand Parulan na diumano’y mga kasabwat niya na nagdiin din sa kanya sa kaso. Robert C. Ticzon

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply