Presyo ng asukal bababa pa – DTI

KUMPIYANSA ang Department of Trade and Industry na magpapatuloy na ang pagbaba ng presyo ng asukal sa lokal na merkado sa mga susunod na araw dahil sa dami ng darating na supply.

Ayon kay DTI Undersecretary Zenaida Maglaya, ngayon ang panahon ng pagpapagiling ng mga may malalaking tubuhan sa mga sugar refinery kaya’t nakatitiyak sila na daragsa na ang supply ng asukal sa mga susunod na araw sa lokal na merkado.

Naantala lang aniya ang pagpapagiling sa mga refinery kaya’t hindi kaagad naramdaman ang unti-unting pagbaba ng presyo ng asukal.

Tiniyak na rin aniya ng Sugar Regulatory Administration na daragsain ng supply ang lokal na merkado sa mga darating na araw kaya’t malaki ang ibabagsak ng presyo ng asukal.

Sa kasalukuyan, may nagbebenta na umano ng hanggang P60 kada kilo ng refined sugar mula sa dating P70 at inaasahan na bababa pa ang halaga nito sa oras na dumagsa na ang supply.

Sa kabila naman ng katiyakan ng DTI na pagbagsak ng presyo ng asukal, lumusob kahapon sa naturang tanggapan ang grupo ng Gabriela upang kondenahin ang sunod-sunod na pagtaas ng mga pangunahing bilihin.

Inakusahan ng grupong Gabriela ang DTI sa pagiging inutil at walang ginagawang aksyon upang mahadlangan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin.

Nagdala rin ng bungkos-bungkos na resibo ang grupo na kanilang ibinato sa harapan ng tanggapan ng DTI bilang pagpapakita ng kawalan ng kumpiyansa sa naturang ahensiya na mapigilan ang paglobo ng presyo ng mga bilihin. Amor Virata at Johnny Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply