Public Enemy No 1 ng Malabon inambush

PATAY ang tinaguriang Public Enemy Number 1 ng Malabon City makaraang tadtarin ng mga punglo ng baril ng dalawang hindi nakilalang salarin habang naglalakad mula sa regional trial court sa Barangay Acacia, Malabon City, Miyerkules, Pebrero 23.

Agad namatay si Antonio Tulipas sa pinangyarihan ng krimen matapos magtamo ng tama ng baril sa ulo, noo at iba’t ibang parte ng katawan.

Sa imbestigasyon ng Station Investigation Division ng Malabon police, ganap na 10:45 ng umaga nang tambangan ang biktima sa Governor Pascual st. corner Sisa st. sa Barangay Acacia sa nasabing lungsod.

Umabot naman sa 14 na basyo ng caliber .45 ang narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar ng insidente.

Nabatid na dumalo si Tulipas sa kanyang hearing  sa sala ni Judge Celso Magsino Jr. ng Malabon Regional Trial Court branch 14 dahil sa iba’t ibang kasong kinasasangkutan.

Habang naglalakad pauwi kasama ang ang isa pa ay nirapido ang biktima ng mga salarin na agad nagsitakas.

Base sa rekord ng pulisya, si Tulipas ang humoldap at pumatay sa mag-asawang chicken trader na sina Aimee at Oliver Magcalas noong Oktubre 9, 2010 dakong 2:45 ng hapon sa tapat mismo ng bahay ng mga biktima sa  Barangay Flores, Malabon City .

Bukod sa robbery with homicide ay nahaharap din si Tulipas sa mga kasong attempted homicide, kidnapping with ransom, frustrated murder, murder, illegal possession of firearm and ammunitions, frustrated homicide at isa pang murder dahil sa pagpatay sa biktimang si Rocky Matias.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at inaalam pa kung gun for hire ang may kagagawan sa krimen. Roger Panizal

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply