Pulis pinagtataga hanggang mamatay

TINIYEMPUHAN ng nag-iisang salarin na umalis ang mga kasama ng isang pulis bago niya ito sinalakay at pinagtataga Martes ng hapon sa Sta. Cruz, Manila.

Kinilala ang biktima na si PO3 Luis “Boyet” Sagum y Asuncion, 53 anyos, nakatalaga sa Manila Police District-Manila City Hall (CHAPA) at residente ng 813 Coral St., Dagupan St., Tondo.

Itinuturong suspek ang isang alyas “Alexis” na tumakas bago pa natagpuan ang duguang patalim na may sukat na 45 cms ang haba at 6×5 ang lapad na hinihinalang ginamit niya sa krimen.

Sa report ni Det. Milbert Balinggan na isinumite kay Sr. Insp. Armando Macaraeg, hepe ng MPD-Homicide Section, dakong alas-6:45 ng hapon nang maganap ang krimen sa harapan ng Emerald Building sa Rizal Avenue malapit sa LRT Carriedo Station sa Sta. Cruz.

Nabatid sa ulat ng pulisya na kasama ni Sagum ang isa pang hindi nakilalang pulis at si Nashrodin Taratingan, 37 anyos na isang vendor.Nang umalis umano ang pulis na kasama ng biktima ay biglang lumitaw si alyas Alexis at tinagpas ang leeg at bahagi ng likod ng biktima.Sa kabila ng biglaang pag-atake, pinilit ng pulis na manlaban at sinalag ang mga taga ng suspek kaya halos maputol ang gitnang daliri nito.

Maging ang vendor na si Taratingan ay sinalakay rin umano ng salarin na naging dahilan ng pagkakasugat nito.
Bagaman sugatan din, isinugod ni Taratingan ang sarili at si Sagum sa Jose Reyes Memorial Medical Center. Subalit bandang alas-9:21 ng gabi ay binawian din ng buhay ang pulis.

Si Taratingan ay agad ding nakauwi matapos malapatan ng lunas ang mga sugat nito dahil hindi naman umano grabe ang inabot nito.-Rene Crisostomo

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply