Pulis sinibak, vice mayor na sabit sa pandaraya sa CSC kinasuhan

PAGKASIBAK sa puwesto ang inabot ng isang pulis matapos na malaman ng Ombudsman na ang kumuha sa kanya ng civil service examination  ay ang dating bise-alkalde ng Brooke’s Point, Palawan.

Sa limang-pahinang desisyon na inilabas ni Ombudsman Ma. Merceditas Gutierrez, tinanggal sa serbisyo si PO1 Melvin Villocero ng PNP Provincial Command ng Palawan dahil sa hindi nito pagiging tapat.

Hindi na rin pwedeng magserbisyo sa anumang puwesto sa pamahalaan, kabilang na ang mga korporasyong pag-aari ng Estado, ang kasabwat ni Villocero sa pandaraya sa Civil Service exam na si dating Vice Mayor Danilo Chan.

Sa records, si Chan ang nag-proxy kay Villocero na kumuha ng Civil Service exam sa Palawan National High School sa Puerto Princesa City noong Oktubre 19, 1997. Sa nasabing pagsusulit, nakakuha ng gradong 83.78% si Chan na para kay Villocero.

Nabuking ang dalawa bunsod ng isang larawan na kuha ng Civil Service examinees kung saan nakita na si Chan ang nakaupo sa upuan na para sa nabanggit na pulis.

Hindi nakumbinsi ni Chan ang Tanodbayan na walang katotohanan ang akusasyon laban sa kanya dahil mabigat ang ebidensiyang iprinisinta ng mga nagrereklamong partido.

Dahil dito, iniutos ni Ombudsman Gutierrez ang pagsasampa ng kasong Information for Falsification sa ilalim ng Art. 171 (2) ng Revised Penal Code (RPC) laban kina Chan at Villocero sa kaukulang korte.

Samantala, sinibak din sa puwesto si SPO3 Uldarico Geroy na nakatalaga sa Philippine National Police Region 7 – Dental Service 7 sa G. Camp Sotero Cabahug sa Gorordo Ave. Cebu City.

Nabatid na humingi si Geroy ng P30,000 mula sa nag-a-apply na pulis kapalit ng pagkakabilang ng huli sa listahan ng mga aplikanteng nakapasa at kuwalipikadong maging pulis. Jan Sinocruz

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply