Pumuputok na!

MAY bago na namang pampasabog na pumuputok sa larangan ng kurakutan dito sa  ating binabahang bayan.

Tila  hindi lang tubig-ulan ang babaha sa mga susunod na buwan, kundi mga  anomalya na sasabog sa mukha ng mga opisyal ng pamahalaan.

(Sana nga huminto na ang pagbabaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Marami na ang  natataranta baka totoo ang pelikuklang “2012.”)

Matapos  pumutok ang mga anomalya sa militar, may lumalabas naman ngayon na  alegasyon na sabit ang ilang matataas na opisyal ng pulisya sa  katiwalian.

May mga umuugong na rin na pati ilang pulitiko at mga  taga-Commission on Audit  ay nakikihati o nakikinabang sa kita ng mga  heneral.

At kahit sa isyu ng baha, tila may mga karumaldumal din  na mga pangyayari sa  mga usapin ng environment kaya patuloy na lumalawak  ang mga nakakalbong bundok.

Magandang simula ito. Ang mga imbestigasyon. Dapat tuloy-tuloy na  ang imbestigasyon sa lahat na sangay ng gobyerno. Hindi lang naman sa  militar o sa  pulisya ang mga katiwalian. Marami pa sa ibang mga ahensya.

Sana  man lamang ay huwag naman gamitin ng mga walang magawa itong nauso na  mga  paputok o pagpapasabog na bala laban sa kanilang mga kalaban sa  pulitika man o sa raket.

Alam naman po kasi nating may mga taong nakarinig lang ng utot akala  nila bomba  na ang sumasabog. Huwag din sanang gamitin ng bagong  administrasyon ang nausong  imbestigasyon at paglalabas ng mga  “whistleblowers” upang habulin ang mga tao sa dating administrasyon.

Habulin, usigin at parusahan ang mga dapat parusahan, subalit dapat nakabatay ang lahat sa ebidensya, hindi lamang sa alegasyon.

Ang  dapat bantayan ng taumbayan ay ang sistema ng hustisya sa ating bansa upang di makakalusot ang mga makasalanan at mapawalang-sala naman ang  mga  inosente at biktima lamang ng intriga.

Maging mahinahon dapat ang lahat sa pagtimbang sa mga lumalabas na  mga impormasyon. Tandaan natin na hanggang walang lumabas na ebidensya,  walang  kasong pwedeng isampa sa husgado.

Huwag rin naman sanang  ang mga maliliit na tao lamang na sangkot sa mga anomalya ang mga  mapaparusahan. Sana pati mga malalaking isda ay tugisin, huwag lamang  basta pagsalitain sa mga imbestigasyon na nagmukha nang palabas sa  telebisyon.

* * *

Isang maligayang bati sa kaarawan ng aking kaibigan na  si Benny Antiporda. Sana  mas lalo kang pagpalain sa darating na mga  panahon upang maipagpapatuloy mo ang  iyong mga kabutihang nagawa. Happy  Birthday! –Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply