Rabusa, Mendoza muling magpapasabog sa Kongreso

PINAGHANDAAN muli nina dating AFP Budget officer ret. Colonel George Rabusa at Commission on Audit Special Auditor Heidi Mendoza ang muli nilang gagawing pagpapasabog  sa kongreso sa umanoy talamak na graft and corruption sa loob ng Armed Forces of the Philippine (AFP).

Ayon kay  Rabusa may mga karagdagan pang kabulukan sa AFP na ilalantad niya sa kanyang muling pagharap ngayon sa isinasagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga katiwalian sa militar.

Nabatid naman na nakatakda ring magbalik sa kongreso si Mendoza sa Martes, Pebrero 8, sa likod ng mga pagbabanta sa kanyang buhay.

Ayon kay Mendoza, muli siyang haharap sa isinasagawang congressional inquiry para ilantad pa ang kanyang nalalaaman hinggil sa kaso ni dating AFP J-6 Comptroller ret. General Carlos Garcia na sinasabing nangulimbat ng mahigit P300 million tax payers money bukod pa sa pondo na dapat sana ay para sa mga Filipino peacekeepers na nasa ilalim ng United Nation (UN).

Kinumpirma ni Mendoza sa kaniyang Facebook account ang kaniyang pagdalo sa gagawing patuloy na pagdinig sa Lower House hinggil sa katiwalian sa AFP.

“Sana lang ipagdasal natin na maging maayos ang takbo ng hearing sa House sa Tuesday. It is for your sake that I am appearing again. Please continue to pray,” ayon sa mensahe ni Mendoza.

Maaalala na una ng nagmakaawa si Mendoza sa hiwalay na imbestigasyon ng Senado na huwag na siyang gawing resource person sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

Hiniling din ni Mendoza ang opinion ng kanyang mga taga-suporta hinggil sa posibleng pagbalik niya sa government service.

“’Yun nga lang may kapalit po ito. Kung sinong sasagot ng oo ay dapat na sumumpa ng pagsuporta sa mga pagbabago at paglalahad ng katotohanan na aking isusulong.”

Ang pagdinig ng Senado ay itinakda ngayong Lunes kung saan kabilang sa mga ipinatawag ay ang mga opisyal ng Commission on Audit (CoA) na idinawit ni Mendoza sa umano’y malawakang “cover up” sa mga anomalya sa sandatahang lakas ng bansa

Magugunitang  marami ang nagulat sa mga ibinulgar ng Rabusa-Mendoza tandem  dahil sa laki ng halaga na sinasabing kinakamal ng mga heneral kaugnay sa kanilang mga “pasalubong” at “pabaon” na tinatanggap habang lantad naman ang sakripisyo ng mga sundalo na nasa frontline.

Sinabi ni Rabusa na bukod sa perang nakukuha ng mga matataas na opisyal ng AFP, may iba pang kalakaran sa loob ng institusyon na kailangang malaman ng publiko. Verlin Ruiz

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply