Rabusa nasa protective custody na ng DoJ

NASA protective custody na ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DoJ) si Lt. Col. George Rabusa, dating budget officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na siyang nagbunyag ng katiwalian sa pondo ng Sandatahang Lakas.

Sa kabila nito, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na sa ngayon ay limitado pa lamang ang kanilang ibinibigay na proteksyon kay Rabusa.

Pinag-aaralan pa rin umano nila ang pagbibigay ng safe house at financial assistance kay Rabusa sa ilalim ng programa ng WPP.

Ayon naman kay de Lima, sa susunod na linggo ay inasahang madedesisyunan na ito ng DoJ kasunod na rin ng pagsusumite ni Rabusa ng affidavit na nagdedetalye ng kanyang nalalaman sa nagaganap na katiwalian sa AFP.

Sinabi naman ni Rabusa na mas lalong lumiit ang kanyang mundo dahil susunod lamang ito sa kung ano ang itinatakda ng DOJ.

Gayunman, sinabi ng whistleblower na hindi  ito hadlang para kanyang isiwalat ang nalalaman at wala na umanong makapipigil pa sa kanya sa paglantad ng katotohanan.

Tiniyak rin nito na pinaghahandaan na niya ang pagiging isang testigo laban sa mga heneral ng military na isinangkot sa katiwalian.

Ayon naman kay de Lima, ngayong Lunes ay isusumite na ni Rabusa ang kumpletong affidavit na siya namang pagbabasehan ng kanilang imbestigasyon.

Dito na rin umano malalaman kung maaari nang idiretso sa preliminary investigation ang kaso laban sa mga heneral na sinasabing tumanggap ng pabaon at pasalubong fund.

Samantala, maging ang abogado ni Rabusa na si Atty. Noel Malaya ay kinokonsidera na rin ang pagpasok sa WPP ng DOJ dahil sa patuloy na death threat na natatanggap nito.

Gayunman, sinabi ni de Lima na hindi nila ito kaagad madedesisyunan dahil kailangan muna nilang ikonsulta sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) kung maaaring tulungan ng DoJ si Malaya dahil karaniwan na ang IBP ang nangangalaga sa mga miyembro nito. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply