Rabusa no show sa hearing sa Kamara

HINDI sumipot sa Kamara si dating military budget officer George Rabusa kaya’t may halong pagkadismaya si dating Congressman Prospero Pichay Jr. na nagpaunlak sa imbitasyon sa kanya na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Justice sa iskandalo sa militar.

Kaugnay ito sa pagkakadawit ng pangalan ni Pichay, kasalukuyang chairman ng Local Water Utilities Administration, na umano’y kabilang sa mga nakinabang sa pondo ng Armed Forces of the Philippines nang ito ay chairman pa ng House Committee on National Defense.

Sinabi ni Pichay na taliwas sa kanyang inaasahan, hindi nangyari ang paghaharap nila ni Rabusa makaraang hindi siputin ng huli ang pagdinig ng Kamara.

Nabatid na dumalo si Pichay sa imbitasyon ng komite na pinamumunuan ni Congressman Niel Tupas para ihayag ang kanyang panig sa pagkakadawit ni Rabusa sa kanya sa nasabing iskandalo ng AFP.

Matatandaang sinabi ni Rabusa sa pagdinig ng Senado na tumanggap si Pichay ng  P500,000 sa bawat pagbisita nito sa headquarter ng AFP na nangyari nang tatlong beses bilang tulong sa pagdepensa nito sa budget ng AFP.

Mariing pinabulaanan ni Pichay ang nasabing alegasyon at sinabing pawang kasinungalingan ang pinagsasabi ni Rabusa.

“Sayang nga lang at wala sa pagdinig si Rabusa para makita sana kung sino ang  nagsasabi ng totoo sa amin,” ani Pichay. Beth Aragon

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply